UNANG ANI NG PREMYONG LIRA

ni Virgilio S. Almario

NAGÚLAT AKO SA resulta ng 2021 Premyong LIRA. Unang taón pa lámang ito ng timpalak sa pagsúlat ng tula na binuksan ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo), panahon pa ng pandemya, maikli lámang ang panahon para sa pabatid, ngunit mahigit 300 lahok ang tinanggap ng LIRA sekretaryat nitóng 30 Oktubre 2021. Sobrang parusa sa aming tatlong hurado—kasáma ko sina Fidel Rillo at Danilo M. Reyes—ang pagbása dahil sa maikli ring panahong ipinataw sa amin. Subalit ang higit na nakagugúlat, maraming mahusay sa mga lahok. Sa unang pagsuri ko pa lámang ay nakatipon ako ng 20 lahok na maaari kong bigyan ng gantimpala. Bukod pa ang dagdag na 35 lahok sa aking ikalawang pagsuri na maaaring isaalang-alang kapíling ng aking unang 20. Anupa’t nang magpulong kaming tatlo ay hindi kami nahirapan sa paghirang ng anim (6) na finalist. Ang higit na naging problema namin ay paghugot ng una, ikalawa, at ikatlong gantimpala mula sa anim:

(1)Galugad: Mga Salmo sa Pagkagat ng Dilim ni Pablo Penitente (Randy Villanueva); Kung Ikaw ang maging Abo ni Juan Mandumol (Mikael de Lara Co); Hindi Matigas Pero Concrete ni Sánag (Glenn Galon); Sa Iyo, Laban sa Aking Sarili ni Daloy (Mirick Paala); Sa Batalan ni Ka Enchong (Mel Viado); Calosa, in Saecula Saecolorum ni Maingel (RP Abiva).

Narito sa anim na koleksiyon ang inaasahan/inaasam kong nilalamán ng pagtula: kasalukuyang matitinding isyung pampolitika at panlipunan sa Filipinas, kasaysayan, pakikisangkot sa krisis pandaigdig, mito, pagtutunggali ng sarili at ng mundo, mga mukha ng kasarian at rasismo, talamak na korupsiyon, baluktot na katwiran, hálagáhang kolonyal, mga tradisyonal na damdamin, atbp. Narito rin ang salimuot ng dalubhasang pag-ugit sa emosyon at kaisipan, ang sari-saring larông pangwika at masayáhing himig, ang tradisyonal na anyo ng siste, ang modernistang hugis ng balintunà, ang paninimbang sa tradisyonal na tugma’t súkat at malayàng taludturan, ang paghahanap ng angkop na taludturan para sa nais ipahayag, at ang alusyon mula sa pambansa at sa pandaigdigang panitikan.

Wika nga ni Fidel, “kahit karaniwang danas at kaisipan ang tinataglay ng koleksiyon, masusi ang pagtalakay, masiste, at kumakawala sa karaniwang pag-unawa.”

Isang koleksiyon ang nakapahiwatig sa pamagat pa lámang ang paglikha ng concrete poetry. Subalit bawat tula ay naging mistulang “sisidlan ng mga hinahangad na hubog ng mga paksa” at sa tingin ni Fidel ay “maaaring maging kasimpayak ng patak ng tubig, sinlalim ng ars poetica na gumagabay sa paglikha, o sing-igting ng politikang hinubog ng maso.” Kahanga-hanga ang pagsasalansan sa mga salitâ tungo sa biswalisasyon ng nais ipaunawa sa mambabasá.

Kahanga-hanga naman ang maragsang ragasa ng mga imahen sa Galugad; mararahas at waring hindi napigil ang hugos ng pantig at parirala, dahil may gayon ding magaralgal na pintig ang daloy ng damdamin at kaisipang pinatitibok ng makata. “Halos nakahihilo,” ang komentaryo ni DM, “ang uliuli ng realidad na nagaganap sa loob at labas ng makata.” At iyon ang nagdudulot ng pambihirang lakas sa koleksiyon!

Pambihira din ang disiplina at sopistikasyon sa Kung Ikaw ang Maging Abo at sa Sa Iyo, Laban sa Aking Sarili. Nagpapagunita ang mga ito ng itinaguyod na kosmopolitanismo ng tulang Modernista—sa wikang Filipino man o sa wikang Ingles noong 1960s-1970s—ngunit upang usisain ngayon ang identidad (kasarian at lahi) at pananalig ng makabagong persona bílang Filipino. Halimbawa, sa lengguwahe ng isang tula, kung magliyab at masúnog ang buong mundo,

        “Kung ikaw ang maging abó, anong punò ang gugustuhin mong
        tumubò sa iyo?”

At ang sagot mong falcata, kaoba, kakaw, o talahib (hinihintay ko sanang mabanggit din ang “nága”) ang sagisag ng iyong kamaláyan. Ngunit sa lengguwahe naman ng isang koleksiyon ay nangangahulugan ng paglayà sa mga hawla at selda ng katauhan, magkapakpak, upang ang sariling

        wala nang pangalan
                wala nang hawlang inaasam
        kundi umalpas

        magsakatawan.

Ang ganitong danas at sitwasyon ang natural na katwiran upang malimit na matunghayan sa mga koleksiyon ang paglikha ng bagong talasalitaan, ang pagsúlat ng bagong ebanghelyo, o kayâ ang pagsandig sa malayàng taludturan. Wika nga sa isang tula:

         Wala sa tugma ang ulap.
         Wala sa súkat ang langit.

Kayâ kahanga-hanga rin ang tiyaga ng ilang koleksiyon sa pagkasangkapan ng tradisyonal na anyo ng taludturan upang ipahayag ang angking himagsik panlipunan. Napapatnubayan pa ito ng pagbigkas sa paraang masiste upang higit na maitanghal ang bisà ng pinananaligan pang sinauna’t karunungang-bayan, gaya sa paggunita sa pagtatahip ng bigas upang maging hambingan ng pagsuri sa karanasan:

        Ang bigas ng digma kung nasà’y tagumpay
                ay tahipin muna sa bilaong búhay
                ang ipa at layak, ilaglag sa lupà
        ang matiráng butil, gabay sa paglayà.

O upang higit na mapatingkad ang aral ng kasaysayan, ang kabuluhan ng alaala para magabayan ang pagpapahalaga sa salimuot ng kasalukuyan. Ano nga ba ang nása ísip ni Pedro Calosa noon?

        Nagwala’t sumalpok ang sangkawang tuksó
        nagsayaw ang dahon ng paaning tubó;
        lasa ng amiha’y pawang sa ’sang apdó’t
        sumundot sa ilong ang sunóg na butó.

Natatangi ang pangwakas na larawang ito hindi lámang dahil sa may antas na tudlikan ang tugmaan sa naturang saknong. Nakagigimbal din ang atmospera ng sinusúnog (?) na tubuhan at nasusúnog ding katawan ng mga busabos na sakada—upang usisain pa natin ang Kolorum nang higit kaysa pekeng sasakyan ng poot. Sa tulong ng katutubong tugma’t súkat, ipinasasaliksik pa sa atin ng makata ang ating lumípas.

Mataas ang panimulang pamantayang pampanitikan ng mga nagwagi sa Premyong LIRA. Kung bagá sa luksong-tinik, lampas ulo agad. Sana mapantayan ito o mataasan pa ng paglundag ng mga lalahok at maitaguyod ng mga hurado sa susunod na mga taón ng timpalak. Wala akong maidadagdag sa ngayon, kundi: Mabuhay ang Premyong LIRA! Sana’y higit pang kagila-gilalas ang susunod na mga ani ng ating timpalak!

 

Ferndale Homes
25 Nobyembre 2021