POETIKA PANDEMYA

Tampok si Vim Nadera!

Ilulunsad na ngayong darating na Sabado ang huling episode ng Poetika Pandemya, tampok si Vim Nadera. Muli, talakayin natin ang sining ng pagtutula at ang iba’t ibang paraan ng pagpapaunlad nito gamit ang kilos at salita. Tunghayan din natin ang mga espesyal na tulang handog ni Vim Nadera.

Poetika Pandemya, ep. 5

Disyembre 18, 2021

TUNGKOL SA TAGAPAGTANGHAL

Si Victor Emmanuel Carmelo D. Nadera Jr. ay propesor sa University of the Philippines at fellow ng Likhaan: U.P. Institute of Creative Writing na pinaglingkuran niya bilang Director noong 2003 hanggang 2008 – habang siya rin ay Tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at kasapi ng National Committee on Literary ng National Commission for Culture and the Arts (N.C.C.A). Kolumnista sa Manila Bulletin (2008), Rappler (2014), Diyaryo Filipino (2016), at Hataw (2019) at Liwayway (2021), siya ay isa sa mga manunulat para sa Cultural Center of the Philippines (C.C.P.) Encyclopedia of Philippine Arts. Kinatawan ng Filipinas sa China (2014, 2015, 2016), South Korea (2014), India (2017), Taiwan (2017), Vietnam (2017), at Singapore (2018), si Vim ay bumuo ng delegasyon ng kabataang Filipino para sa iba’t ibang pista ng sining at kultura. Bilang performance artist, siya ay nagtanghal sa #Ekinoks (20 Marso 2020), sa #Igpaw (18 Abril 2020), sa Maayo Uno! (1 Mayo 2020), sa 5th Sipa (12 Setyembre 2020), at sa 6th Sipa International Performance Art Festival (16 Setyembre 2021) habang nasa kuwarentena. Sinimulan ni Vim — sa tulong ng Rappler — ang patimpalak na COVIDiona, COVIDagli, at COVIDalit noong panahon ng pandemya. Bago magpasukan, nakapagturo siya ng klaseng online para sa Philippine Cultural Education Program (P.C.E.P.) ng N.C.C.A. sa Marinduque State College, La Consolacion University Philippines, at University of Cebu noong 2020 at 2021. Isinulat para sa Sanghaya Philippine Arts+Culture Yearbook 2020 ang karanasan niya bilang Festival Director ng Performatura International Performance Literature Festival na itinuloy niya bilang P.P.E. o Performatura Pandemic Edition noong 22-24 Nobyembre 2021 para sa C.C.P. Intertextual Division. Tinalakay niya noong Palihang Rogelio Sicat 14 ang Panulat at Trauma at noong ikawalong Cordillera Creative Writing Workshop ang Literatura at Lusog-Isip na may kaugnayan sa itinuro niyang Trauma at Malikhaing Pagsulat sa U.P. Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas noong unang semestre ng 2021. Ngayon papaksain niya ito at Performance Poetry – ang araling sinimulan niya noong 1995 sa U.P. Department of English and Comparative Literature – na naging panayam niya sa Consultative Workshop on the Development of Learning Resources ng Commission on Higher Education sa 16 Nobyembre 2020. Nakapagsalita na si Vim tungkol sa Tula bilang Terapiya noong 2 Abril 2020 – bilang pagdiriwang ng ika-232 kaarawan ni Francisco Balagtas — sa LIRA Live ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo na maituturing na ninuno nitong Poetika Pandemya ng Panayam sa Panahon ng Pandemya (PAN) ng Likhaan: U.P. I.C.W.