Panawagan para sa DAANG BAKAL

Ang Daang Bakal ay isang proyektong antolohiya ng mga kuwento at personal na sanaysay na pumapaksa at tumatalakay sa mga danas panlipunan kaugnay ng tren at industriya ng daangbakal sa Pilipinas (PNR, LRT, MRT, trams, at iba pa). Pinagtutuunan ng kaukulang pansin ng antolohiya ang malawak at salasalabid na usapin sa kasaysayan at kalagayan ng daangbakal sa bansa, buhay-tren at buhay-riles, kasama na ang karahasan sa mga home-along-da-riles, tren sa bansa bilang huwad at bigong modernismo, ang mga bago at pangarap na tren bilang neoliberal na mga katotohanan, at marami pang iba.

Ang daang bakal sa Pilipinas ay naitatag sa pamamagitan ng paglagda ni Alfonso XII ng Decreto Real noong 1875, hanggang ang mga tren ay unang tumakbo mula Maynila hanggang Bagbag noong 1891. Ang mga iba’t ibang asukarera ay may kanya-kanya ring pribadong tren para sa pagdadala ng tubo. Mula noon, samu’t saring epekto ang dala ng transportasyong ito sa lipunang Pilipino, sa ilalim ng iba’t ibang kolonyal at politikal na kapangyarihan, hanggang sa unti-unting pagkasira ng karilesan mula panahon ng diktadurya hanggang sa kasalukuyan.

Sa Kabikulan, umusbong ang mga bayan dahil sa tren, ngunit naglaho rin sa panahong hindi na tumakbo ang mga ito. Ganito rin sa Norte na ang tren ay umabot hanggang paanan ng bundok patungong Baguio hanggang ito ay umikli nang umikli, at tanging sa Metro Manila na lamang ang naging pangunahing operasyon. Taong 1984 nang buksan ang LRT System Line 1, ang tinaguriang unang mass rail transit sa Southeast Asia. Kasagsagan na ito ng politikal at ekonomiyang krisis sa bansa dulot ng pandarambong ng mga Marcos. Ang MRT at ang mga sumunod na mga nabuo at patuloy na nabubuong mga linya ng Metro Manila mass rail transit system ay naipatupad noon sa pamamagitan ng Build Operate Transfer (BOT) at sa kasalukuyang Private Public Partnership (PPP), na mga malalaking negosyante ang gagawa at magpapatakbo ng mga tren para sa kita, gayong ang utang para ipagawa ang mga ito ay binabayan ng buwis ng taumbayan. At sa taong 2027 inaasahan magiging buo ang operasyon ng unang subway sa bansa. Siyempre, sa Metro Manila na naman.

Ang daangbakal ay sumasailalim sa napakaraming pagbabago. Maya’t maya’y may mga bagong pangako ng karagdagang tren na parating mula ibang bansa, may mga bagong riles na inilalatag, nangangako ng kaunlaran at mas maalwang buhay. Pinakahuli nito ang P142-B kontratang nilagdaan ng DOTr at mga kontratistang Tsino para sa Bicol rail project. Para kanino? Ano ang alaala at kuwento ng nauna at kasalukyan, ano ang mga alaala at kuwento sa hinaharap sa pangako ng mobilidad at posibilidad kahit batay sa nauna’y wala pa ring naipapatupad na sustenido at pambansang pampublikong sistema ng pagbibiyahe? Hindi naman dahil arkipelago lamang tayo na mataas ang degree of difficulty pero nagawa naman din ito ng iba pang kapuluan tulad ng Japan at Indonesia?

Magsisilbing mga patnugot ng antolohiya sina Dr. Rolando Tolentino at Victor Dennis Tino Nierva.

Bukas ang antolohiya sa mga may pagdanas at karanasan sa tren sa bansa na nais magsumite. Maaaring kuwento o personal na sanaysay na hindi pa naipasa at nailalathala sa anumang publikasyon o antolohiya, digital man o print ang ambag; nakasulat sa Filipino, Ingles, o alin mang wika sa Pilipinas (may kalakip na salin sa Filipino o Ingles); 10 pages minimum, 20 pagess maximum, double-space, 8.5 x 11in size, naka-MS Word o Google docs format.

Ipadala ang kontribusyon sa daangbakalanthology@gmail.com.

Ang huling araw ng pagsusumite ay sa Hunyo 30, 2022.

(Larawan mula sa Filipinas Heritage Library)