Panayam ni NA Almario, tampok sa unang araw ng Palihang LIRA

“Lahat ng mga makata, manunulat, alagad ng sining ay dapat nating hamunin para iugnay ang kanilang sariling haraya para sa kapakanan ng bansa.”

Ito ang isa sa mga hámon na iniwan ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining (National Artist), sa kanyang panayam noong ika-17 ng Hunyo, 2023 na pinamagatang Reklamasyon, Rekuperasyon, at Rekonstruksiyon ng Pambansang Gunita. 

Ayon pa kay Almario, “huwag nating sayangin ang ating panahon para sa kung anu-anong mga kaletsehan sa social media. Lumikha tayo at umambag para sa kalusugan at paglinaw ng ating pambansang gunita.”

Ang lektura ni Almario ay bahagi ng pagsisimula ng Palihang LIRA, isang pagsasanay ng mga makata tuwing Sabado mula Hunyo hanggang Disyembre at itinuturing na pinakamahabang palihang pampanulaan sa bansa. Ito ay taunang itinataguyod ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), samahan ng mga makatang nagsusulat sa PIlipino na itinatag ni Almario noong 1985.

Kabilang sa mga nanood ng lektura ay ang 24 na fellows ng palihan sa taóng ito na pinili mula sa daan-daang nagsumite ng aplikasyon. Ayon kay Dr. Joti Tabula, pangulo ng LIRA, “medyo competitive ang fellow selection ngayon.” Hinimok niya ang mga fellows ng palihan na nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa na bukod sa pagiging mga mahusay na makata ay “maging kapaki-pakinabang na mga mamamayan.”

Nananatiling direktor ng palihan si Abner Dormiendo, habang Katuwang na Direktor naman si Crystal Tanigue. Ang mga fellow para sa Palihang LIRA 2023 ay sina Patricia Aguilar, John Rafael Alcantara, Dean Gabriel Amarillas, Andro Blancada, Sara Buluran, Mikka Ann Cabangon, Darius Caponga, Miguel Paolo Celestial, Sofia Angela Federico, Felicisimo Galletes  Jr., Al Jeffrey Gonzales, Renan Gozon, Stanley Gullab, John Emmanuel Inojosa, Christine Marie Magpile, Marvin Marquez, Eunice Pacifico, Ramon Christian Placido, Josephine Prudenciado, Kirk Homer Ramos, Mary Josephine Sanchez, Denmark Soco, Kim Richard Unidad at Ysabella Margarette Zureta.