9 Makata Pinarangalan sa Premyong LIRA at Gawad Jacinto-LIRA

Sa ika-38 anibersaryo ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), Inc. at ika-148 kaarawan ng bayaning Emilio Jacinto, pinarangalan ang apat na nagwagi sa Ikatlong Premyong LIRA at limang natatanging makata-boluntaryo ng organisasyon sa ‘DIWANG’ nitong 15 Disyembre 2023 sa University Hotel, Diliman, Lungsod Quezon.

Nagwagi ng unang gantimpala ang manggagamot-makatang Ralph Lorenz Fonte para sa kaniyang koleksiyong ‘Ex Novo Mvndo’. Tumanggap siya ng sertipiko at Php15,000. Sinundan naman siya nina Redwin Dob (ikalawang gantimpala para sa ‘Taga-Bulkan’, Php 9,000), Enriko Caramat (Php 6,000, ikatlong gantimpala, ‘Ang Wika ng mga Ibon at iba pang tula’), at Miguel Paolo Celestial (Php 3,000, karangalang-banggit, ‘Ang Siyudad sa Aking Hinagap’).

Ayon kay Edbert Darwin Casten, board member ng LIRA at tagapangasiwa ng Premyong LIRA, “Layon ng Premyong LIRA at iba pang proyekto ng LIRA na maukit sa gunita ng madla ang pananalinghaga.”

Iginawad din ng organisasyon ang Gawad Jacinto-LIRA 2023 kina Enrique Villasis (Kategoryang Pagtula) at Roy Rene Cagalingan (Kategoryang Bolunterismo). Tumanggap din ng espesyal na Gawad Jacinto LIRA sina Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Michael Coroza, at Romulo Baquiran Jr para sa kanilang Sining ng Pagtula at Serbisyo sa LIRA. Ang Gawad Jacinto-LIRA ang pinakamataas na gawad ng organisasyon sa mga kasapi.

Ang Premyong LIRA ay taunang pambansang timpalak sat ula at suportado ng Merck, isang science and technology company na may opisina sa Filipinas. Ang Merck ang pinakamatandang pharmaceutical and chemical company sa buong mundo mula nang maitatag ito sa Darmstadt, Germany noong 1668.

Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario (aka Rio Alma), nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di iilang batikang makata. Noong 2011, kinilala ito bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.