Isang crash course sa pagtula na may sukat, tugma, at caesura ang pinangunahan ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) sa Pasinaya 2024 ng Cultural Center of the Philippines (CCP), 3 Pebrero, 2024.
Naging tagapanayam si Edbert Darwin Casten, board member ng LIRA sa palihang ginanap sa Tanghalang Ignacio Jimenez parking tent. Umabot sa 52 ang lumahok sa talakayan nang pagsusulat ng tula na may sukat at tugma, gayundin ang caesura o paghahati ng taludtod para sa maayos na pagbigkas.
Ayon kay Casten, ang ganitong pagsusulat ay gawaing namana natin sa ating mga ninuno, at pakay ng palihan na i-preserba ang kasaysayan habang lumilikha ng mga inobasyon sa sining ng pagtula. “Kung alam natin ang naganap sa nakaraan, may mahusay na estilo ang mabubuo natin at makatutulong ito sa paglago ng ganitong anyong-sining.”
Ang Pasinaya ay isang pistang inorganisa ng CCP para sa pagsisimula ng Pambansang Buwan ng Sining sa Pebrero. Bukod sa panitikan, tampok dito ang iba’t iba pang anyo ng sining, kabilang ang visual arts, pelikula, sayaw, sula at marami pang iba. Bukod sa CCP complex sa Metro Manila, nagkakaroon din ng iba pang mga aktibidad sa Lungsod ng Iloilo, at Tagum, Davao Del Norte.

