Pinangunahan ni Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario ang pagbibigay ng mga donasyong libro noong ika-14 ng Pebrero, 2024. Tampok sa mga ito ang bago niyang koleksiyon ng mga tulang pinamagatang “Lemlunay: Pagunita sa Gunita.”
Mapupunta ang mga aklat sa punòng aklatan ng Quezon City Public Library at 27 pang mga sangay at katuwang nitong aklatan sa buong lungsod.
Nagbigay rin ng mga donasyong aklat ang San Anselmo Publications, Inc. sa pangunguna nina Atty. Marvin Aceron at Ms. Gay Ace Domingo. Pinasinayaan naman ni Crystal Tanigue, Ikalawang Pangulo ng LIRA, ang paghahandog ng mga akda mula sa Librong LIRA.
Laman ng “Lemlunay: Pagunita sa Gunita” ang tatlumpu sa mga tula ni Almario na nasusulat sa Filipino, na may salin sa Ingles ni Marne Kilates at kaagapay na mga litratong kuha ni Roel Hoang Manipon. Ang pamagat ay mula sa konsepto ng mitolohiyang T’boli sa paraiso at mas matiwasay na bansa.
Ayon kay Almario, “Nagagalak akong maibahagi ang aking mga tula na tungkol sa pagmumuni ko sa kasaysayan ng Filipinas. Cultural objects—mula sa primitive art, relics at fossils, hanggang sa mga likha ng mga visual artist—ang nagbigay sa akin ng inspirasyon. Nawa’y ang pagsasama ng sining at panitikan sa isang aklat ay magbigay sigla sa mga mambabasa at magpa-alab ng pagmamahal sa bayan.”
Ayon naman kay Tanigue, “malaking karangalan sa akin na ako ang naatasang maging kinatawan ng LIRA para mag-alay ng mga libro sa Quezon City Public Library, dahil itong library na ito ang nagsilbi kong pangalawang tahanan noong kolehiyo na wala pang pambili ng mga sariling libro.”
Sinabi naman ni Aceron na “hindi lamang tayo nagdaragdag ng mga aklat sa estante; tayo ay nag-aambag sa malawak na katawan ng kaalaman at imahinasyon na tumutukoy sa ating pagkatao.”






