Taunang Pulong at Lirahan, itinampok ng LIRA sa Quezon City

Dalawang mahalagang aktibidad ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) ang ginanap sa Lungsod Quezon noong ika-17 ng Pebrero, 2024. Una rito ang taunang pulong ng organisasyon na ginanap sa Presidental Car Museum. Nakibahagi rin onlayn ang mga kasapi ng LIRA na nasa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa ulat ng pangulo, inilahad ni Dr. Joti Tabula ang mga isinagawang proyekto ng LIRA sa nakalipas na taon, tulad ng taunang timpalak na Premyong LIRA at Kongreso LIRA. Nabanggit din ang patuloy na pakikipagtulungan ng LIRA sa pamahalaang panglungsod ng Quezon, na magbibigay-daan upang kilalanin itong “poetry city” sa hinaharap. 

Pagkatapos nito, inihalal naman muli bilang Pangulo si Dr. Joti Tabula, Pangalawang Pangulo si Tala Tanigue at Karl Orit bilang Tagapangasiwa ng Ugnayang Pangmadla para sa taong ito. Humalili naman si Atty Nick Pichay kay Jil Caro bilang Kalihim. Si Abner Dormiendo ang humalili kay Edbert Darwin Casten bilang Ingat-Yaman. 

Matapos ang halalan ay nagkaroon naman ng deliberasyon sa pagpili ng mga iimbitahang bagong kasapi. Ibinatay ang pagpapasya sa kalidad ng mga isinumiteng tula at pagiging aktibo ng mga fellows sa loob ng anim na buwang pagsalang sa Palihang LIRA noong 2023. 

Isang espesyal na pagtatanghal naman ng Lirahan para sa Pambansang Buwan ng Sining ang sunod na isinagawa sa Sinauna Restobar sa Matahimik St. 

Sa naturang pagtitipon ay inilunsad ang aklat na “Kondenado” ni Paul Alcoseba Castillo, ang “Manansala” ni En Villasis at “Dilit Dilim & Mga Lagot ng Liwanag” ni Dr. Michael M. Coroza. Ilang mga kasapi ng LIRA at mga panauhin ang nagtanghal ng tula, kabilang sila Karl Orit, Jericho Lopez, Aleia Anies, Vince Agcaoili, Agatha Buensalida, Abner Dormiendo, Dax Cutab, Jim Libiran at mga anak ni Dr. Coroza na sina Miko Coroza, Haraya Coroza at Miguel Coroza. 

Bago ang kanyang pagtatanghal ng isang tula ni Villasis mula sa Manansala, sinabi ni Tabula na “isa itong inspirasyon sa mga kasapi na hopefully, sa malapit na hinaharap ay kami naman ang inilulunsad sa ganitong mga pagkakataon.” 

Katuwang ng Librong LIRA ang UST Publishing House sa lunsad-aklat.