Nanumpa ang mga bagong kasapi ng LIRA sa pagtitipong ginanap noong ika-22 ng Marso, 2024 sa Sinauna Restobar, Lungsod ng Quezon. Ang mga nanumpa ay sina Jopie Sanchez, Mikka Ann Cabangon, JE Inojosa, Istanli Gullab at Kirk Homer Ramos, sa pamumuno ng tagapagtatag ng LIRA na si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.
Ang mga bagong kasapi ay sumailalim sa Palihang LIRA na ginanap sa loob ng anim na buwan noong 2023. Wika ni Ramos sa pagiging bagong kasapi, “bata pa lang po ako, hilig ko na po ang pagtula. Bilang isang may kapansanan nais ko pong maging inspirasyon sa mga tao lalo na po sa mga tulad ko na hindi hadlang ang aming kapansanan para abutin ang aming mga pangarap.”
Nakilahok din sa LIRAhan, buwanang patitipon ng LIRA para sa pagtatanghal ng tula, ang mga bagong kasapi pagkatapos ng panunumpa. Kaugnay ng pagdiriwang ng Pandaigdigang na Buwan ng Kababaihan, tampok sa LIRAhan ngayong buwan ng mga isyung pangkababaihan at usaping kasarian.
“Unang beses akong sasali sa LIRAhan bilang kasapi ng LIRA at kinakabahan ako dahil pakiramdam ko ngayon, may bitbit akong responsibilidad na magbahagi ng mga tula na di ko na lamang isinusulat para sa sarili,” pahayag ni Sanchez.
Nagbahagi rin ng mga tula ang iba pang pinuno at kasapi ng LIRA, kabilang ang pangalawang pangulo na si Tala Tanigue, Ingat-Yaman at direktor ng Palihang LIRA na si Abner Dormiendo, at sina RR Cagalingan, Genesis Historillo, Karl Santos at Lee Sepe.
Wika ni Tanigue, hindi natatapos sa Buwan ng Kababaihan ang pagtataguyod ng samahan sa mga kababaihan. “Welcome at ini-encourage ang kababaihang kasapi na sumali sa lahat ng aktibidad ng LIRA gaya ng pag-upo bilang panelist sa Palihang LIRA, pagiging tagapanayam sa Kongreso LİRA, at pagpublish ng manuscript sa Librong LIRA.”











