Seminar sa Panitikan, Tampok sa Lungsod-Tula ng QC

Isang natatanging seminar sa pagtula, panitikan at pagiging makabayan ang idinaos sa Quezon City Public Library (QCPL) noong 31 Agosto 2024. Naganap ang seminar na Pambansang Edukasyong Pampanitikan (PEP) mula 9:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hápon, kung saan mga guro at mga mag-aaral mula sa mga paaralang sekundarya at elementarya sa Lungsod Quezon ang karamihan sa nakibahagi.

Ang PEP ay proyekto ng organisasyong Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), na mula pa noong 2008 ay nakapagbigay na ng pagsasanay sa mahigit 4,000 mga guro at mag-aaral mula sa 35 mga bayan sa Filipinas. Ang PEP ay panimulang gawain ng inisyatibang Lungsod-Tula, na kabilang sa mga layunin ay ipakilala ang Lungsod Quezon bilang “Poetry Capital” sa bansa.

“Ang LIRA ang katagapagtaguyod ng Lungsod Quezon sa pagpapayabong ng pagtula sa mga mamamayan ng lungsod. Sa pamamagitan ng PEP, mangunguna ang mga guro sa pagtuturo ng pagmamahal, pagsasabuhay, at pagbabalik ng tula sa mga paaralan at sa puso ng madla,” wika ni Dr. Joti Tabula, Pangulo ng LIRA.

Ilan sa mga bahagi ng PEP ay pagtalakay ng maikling Kasaysayan ng Pagtula sa Filipinas, gayundin ang isang panayam sa Sining ng Tugma at Sukat. Balak din ng LIRA na isagawa sa bawat distrito ng Lungsod Quezon ang PEP ang pagtuturo ng mga kasapi ng LIRA sa mga guro at estudyante.

Katuwang ng LIRA  sa Lungsod-Tula ang Pamahalaang Panglungsod, QCPL at QC Schools Division Office, gayundin ang San Anselmo Press.

Itinatag ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang LIRA noong 1985. Ito ang pinakamatandang samahan ng mga makata-boluntaryo mula sa iba’t ibang panig ng daigdig na nagsusulat sa wikang Filipino. Noong 2011, kinilala ang LIRA bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula.