Idinaos ng Quezon City, Schools Division Office-QC, at LIRA, Inc. ang Pambansang Edukasyong Pampanitikan (PEP) sa Sto. Cristo Elementary School nitong 19 Oktubre 2024 na dinaluhan ng mahigit 40 guro ng lungsod. Ang PEP ay seminar na naglalayong ituro ang kasaysayan at sining ng pagtula sa Filipinas bilang paghahanda sa layong maging Lungsod Tula ang Lungsod Quezon.
Nagbigay-panayam hinggil sa pagtula sina Pambansang Alagad para sa Sining Virgilio S. Almario, Prof. Michael M. Coroza (ADMU), at Prof. Romulo P. Baquiran Jr. (UPD). Namahala naman ng maikling workshop sina Louie Jon Sanchez at Nikka Abeleda. Nagbigay din ng mensahe sina Ryan C. Ateroza ng Education Program Supervisor in Filipino ng QC, Tala Tanigue, at Joey Tabula, pangulo ng LIRA.
Inilunsad din sa seminar ang Patikim Zines nina Rio Alma, Fr. Arnel S. Vitor, Michael M. Coroza, Steven Claude Tubo, Edelio de los Santos. Ang Patikim Zines ay abot-kayang babasahin ng mga tula para pagyabungin ang pagbabasa at pagsulat ng tula sa Lungsod Quezon at buong Filipinas. Ang PEP at Patikim Zines ay ilan lamang sa mga proyekto ng programang Lungsod Tula ng pinagsisikapan ng Lungsod Quezon, LIRA, at San Anselmo Publications, Inc. Ang LIRA ang nangungunang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino at nakabase sa Lungsod Quezon. Itinatag noong 1985 ni Almario, nagsilbi itong matagumpay na linangan ng di-iilang batikang makata. Noong 2011, kinilala ang LIRA bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) para sa mga gawain ng paglilingkod sa ngalan ng tula ng mga makatang-boluntaryo nito.









