Batch BigKis – 2014

Maria Graciella F. Musa

Sa kasalukuyan, si Maria Graciella F. Musa ay naglilingkod sa Cultural and Public Affairs Division ng National Parks Development Committee (NPDC). Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Arts in Film sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman at kasalukuyang kumukuha ng Master of Arts in Media Studies (Major in Film) sa parehong unibersidad.

Joey Tabula

Si Dr. Joey Tabula ay isang general internist, makata, editor, at pabliser mulang San Antonio, Zambales. Nagtapos siya ng Medisina sa UP at nagsanay ng Internal Medicine sa Philippine General Hospital. Editor siya ng tatlong antolohiya: “From the Eyes of a Healer: An Anthology of Medical Anecdotes,” “BULAWAN: Interviews with Filipino Medical Oncologists” at “Pagninilay: Hinga, Hingal, Hingalo sa Panahon ng Pandemya” na inilathala ng UP Manila nitong 2020. Board member siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas  (UMPIL) at pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Naging panelist siya ng 2020 at 2021 Creative Nonfiction Workshop for Doctors ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Tinatapos niya ang kaniyang tesis para sa MFA in Creative Writing sa De La Salle University.

Rolando Talingting Glory

Nagtapos ng kursong Malikhaing Pagsulat. Kasalukuyang nagtatrabaho bilang kawani ng pamahalaan.

Manuel Ortega Abis

Si Manuel Ortega Abis, o Nonoy, ay naninirahan sa Lungsod Quezon, 55 taong gulang, binata.

 Noong 1983 ay naging high school literary editor ng Feedback, ang official publication ng San Sebastian College, Recoletos, H. S. Dept. Noong 1984 hanggang 2000 ay naging contributor ng mga tula sa Ingles sa iba-ibang lathalain at antolohiya, tulad ng Focus, Philippines Free Press, Panorama, Caracoa anthology series ng PLAC, at iba pa. Mula 2014 hanggang kasalukuyan ay naging contributor ng mga tula at maikling kuwento sa Fipino at Ingles sa Philippines Graphic, Liwayway, at ilang mga antolohiya. Noong 1990 ay naging Fellow for Poetry in English ng UPNWW at noong 2014 ay naging kasapi ng LIRA. Kasalukuyang nagsusulat ng nobela sa StaryWriting.com.

Mia Lauengco

Si Mia Francesca Lauengco ay isang communications strategist kapuwa sa mga pribadong institusyon at mga non-government organization. Naging manunulat at Filipino news editor para sa ilang print at online media. Nalathala ang ilan sa kanyang mga tula sa antolohiyang LIRA 30, sa librong Lila: Mga Tula, at sa MEG Magazine. Paminsan-minsan din siyang nagtatanghal ng tula, umaarte sa teatro, at nagho-host ng mga event gaya ng Performatura 2019, LIRAhan, at iba pang mga pribadong kaganapan. Kasalukuyan siyang pangalawang pangulo ng LIRA. Naging kasapi siya ng LIRA noong 2014, at nagsilbi bilang Ugnayang Pangmadla noong 2015 hanggang 2017. Nagtapos siya ng kursong BA Communication Research sa University of the Philippines (UP) Diliman noong 2013 at kasalukuyang binubuno ang Master of Development Communication sa UP Open University.

Christian Paul I. Camposano

Si Christian Paul I. Camposano ay guro sa pampublikong paaralan sa Lungsod ng Marikina at mag-aaral ng panitikan sa Pamantasang Ateneo de Manila.

Anna Liza Madayag Gaspar

Lumaki si Anna Liza sa paanan ng isang bundok at gitna ng bukid sa Tangaoan, Piddig, Ilocos Norte ngunit hanggang ngayon ay takot pa rin siya sa uod. Nagtapos siya ng BS Business Administration and Accountancy sa University of the Philippines, Diliman. Siya ay isang CPA at lingkod-bayan. Mahilig siyang humabi ng mga kuwentong pambata.

Naging fellow siya ng Pasnaan, LIRA, Cordillera Creative Writer’s Workshop, at Booklatan ng Bayan. Ang mga akda niya ay napabilang na sa mga ilang antolohiya, at nalathala na sa Liwayway at Bannawag.

Dalawa sa kaniyang kuwentong pambata na ang nailimbag: 1) The Legend of the Cagayan River (Ang Alamat ng Ilog ng Cagayan), at 2) Anna in the Town of Partas-Gasto (Ni Anna Sadiay Ili ti Partas-Gasto).

Adelma Salvador

Si Adelma ay isang maybahay at may tatlong anak. Siya ay isinilang, lumaki, at kasalukuyang naninirahan sa San Miguel, Bulacan. Siya ay tinaguriang inang makata sa mundo ng panitikan.

Eileen Fay M. Villegas

Si Eileen Villegas ay isang licensed agriculturist na piniling paglikuran ang sektor sa pamamagitan ng pagsusulat tungkol sa mga magsasaka at agripreneurs sa isang agriculture magazine. Siya rin ay kasalukuyang segment producer at writer ng isang online series tungkol sa saribuhay o biodiversity. Nakatira siya ngayon sa Los Baños, Laguna.