
RB Abiva
Awtor, kritiko, editor, iskultor, pintor, journalist, at makata. Si R.B. Abiva ay ipinanganak noong 1989 sa Bayombong, Nueva Vizcaya. Nagtapos ng Bachelor in Business Administration sa PUP (2010) at kasalukuyang tinatapos ang MA Malikhaing Pagsulat sa UP. Tumanggap ng fellowships (Palihang Rogelio Sicat, 2018; Cordillera Creative Writers Workshop, 2018; Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop, 2019; UP National Writers Workshop, 2019; at Palihang LIRA, 2021). Hinirang ng GUMIL- Filipinas, Bannawag Magazine, at NCCA bilang Pasnaan 9 Outstanding Fellow. Opisyal ng Order of the Knights of Rizal at Independent Order of Odd Fellows. Dating bilanggong politikal.

Anjanette C. Cayabyab
Si Anjanette C. Cayabyab ay isinilang sa Dagupan City, Pangasinan. Nag-aaral siya ng BS/M Applied Mathematics with specialization in Mathematical Finance sa Ateneo de Manila University. Nagsusulat siya ng mga tula at maikling kuwentong pambata sa Filipino at hilig niya itong basahin sa mga bata ngunit ang unang nakakarinig ng kaniyang mga tula ay si Pula. Moon cactus po iyan. Siya ang paboritong anak nina Sarah, Arman, Lydia, at Juanita.

Edelio P. De los Santos
Si Edelio P. De los Santos, madalas magpakilala bilang “Edsa,” ay dating patnugot ng isang community newspaper at kasalukuyang manggagawa sa BPO industry. Tubong Baler, Aurora, kasalukuyan siyang naninirahan sa Metro Manila kasama ang kanyang asawa at dalawa sa kanilang apat na anak. Libangan niya ang mag-post ng Dad jokes sa social media, gayundin ang pagkalabit sa gitara at ukulele. Co-admin din siya ng Facebook page na Isang Tula Bawat Araw.

Richell Isaiah S. Flores
Si Richell Isaiah S. Flores ay nag-aaral ng BS Applied Mathematics – Master in Data Science, minor in Panitikang Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila (na ang biro ng magulang ay Ateneo de Paombong dahil sa online setup). Naging fellow siya ng 25th Ateneo Heights Writers’ Workshop para sa Tula. Mababasa ang ilan niyang mga akda sa HEIGHTS. Naniniwala pa rin siyang Psycho SOTY.

Jed Nykolle Harme
Si Jed Nykolle Harme ay isang mamamahayag at manunulat na tubong Kalibo, Aklan. Miyembro siya ng The Aklan Literati at Cavite Young Writers Association. Itinanghal siya bilang isa sa pinakamahusay na Spoken Word fellow ng SPEAK-Ups ng PETA Lingap-Sining at Words Anonymous. Nailathala ang kaniyang mga tula sa Agwat-Hilom ng NCCA, LungsodLungsuran ng UP Likhaan, Longos IV ng CYWA, at To Let The Light In, isang antolohiya na nakabase sa Singapore. Kasalukuyan siyang nag-aaral ng agrikultura sa Aklan State University. Mahilig siya sa dagat at pangarap niyang maging magsasaka balang araw.

Imma Lopez
Gusto ni Imma Lopez na tinatawag ang sarili na ninja, hindi dahil manyak siya, madalas kasi siyang bigla na lang mawawala (dahil talaga ito sa kaniyang height at tahimik na pagkilos). Maaaring guniguni lang talaga siya. O daga. Tambay sa mga kapihan. Madalas mag-bike sa gabi para mag-emote.

Sam Lumban
Si Sam Lumban ay mula sa bayan ng Tanauan sa Batangas. Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurial Management sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sto. Tomas Branch at kasalukuyang tagatuos sa isang energy company. Kinakain siya ng bagot na dulot ng pandemya kaya niya naisipang magbalik sa pagsusulat ng tula at sumali sa taunang klinikang pampanulaan ng LIRA.

Aris Niño C. Macatangay
Si Aris Niño C. Macatangay ay kasalukuyang nakatira sa Batangas City. Nagtuturo siya ng wika at panitikan sa Canossa Academy Lipa City. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang thesis para sa Master of Arts in Education major in Filipino sa University of Batangas. Kapag hindi abala sa paggawa ng lesson plan, pagtse-check ng test papers, o pagko-compute ng grades ay nagsusulat siya ng tula. Paborito niya ang sinaing na tulingan. Balang araw ay gagawan niya ito ng tula.

Acel dC. Martinez
Si Acel dC. Martinez ay isang estudyanteng kasalukuyang naninirahan sa Santa Maria, Bulacan. Lumabas ang ilang mga akda at dibuho niya sa mga online page ng Titik Poetry, Likhanayan, Lapis Artcom, Artists in BPO Unite for Social Change (AUX), at Vox Populi Ph. Sa ngayon, batid niyang kailangan na niyang mag-update ng bionote, subalit hindi niya ito magawa dahil kasalukuyan siyang abala sa pag-aaral, pagbabasa, at pagsusulat ng mga dagli at tula.

Alpine Moldez
Si Alpine Moldez ay nagtapos ng kursong AB Communication Arts sa University of Santo Tomas at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang digital marketing specialist sa Taguig. Dati siyang manunulat sa pahayagang The Varsitarian, kung saan siya ay bahagi ng seksiyon para sa Literary at Filipino. Makipaghuntahan sa kaniya sa jobs.alpinemoldez@gmail.com.

Ronel I. Osias
Tubong Bulacan, nagkalagnat-laki sa Rizal si Ronel I. Osias. Miyembro ng Midnight Collective. Awtor ng librong Danas (2019). Itinanghal na isa sa Pinakamahuhusay na Manunula sa SPEAKS-Up! Spoken Word Poetry Workshop 2020 ng PETA Lingap Sining at Words Anonymous. Nailathala na ang kaniyang mga akda sa Liwayway Magazine, Lagda: Journal ng U.P. Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Katitikan Issue 3, Talinghaga ng Lupa ng Gantala Press, “Pitong pantig, pintig, at pagitan” ng NCCA, “To Let The Light In” ng Sing Lit Station na nakabase sa Singapore, Luntian: Online Journal, at sa unang isyu ng Ilahas Literary Journal.

Marites Rogado
Si Marites Rogado ay mahilig sa origami. Sa paggawa niya ng paper cranes, naisulat niya ang kuwentong Prince of the Cranes na nanalo ng gantimpala. Nang makagawa ng paper kissing lips ay ginawan rin niya ito ng istorya na nailimbag bilang aklat-pambata. Makata. Dating guro sa St. Scholastica’s College, staff sa Senado at konsehal ng bayan. Kasalukuyang nagtatrabaho sa Department of Justice. Nag-aral ng abogasya, Political Science, at Women’s Studies. Sumusulat ng tesis sa M.A. Creative Writing.

Steven Claude V. Tubo
Si Steven Claude V. Tubo ay isinilang at lumaki sa Marikina. Fourth year college na sana siya kung hindi huminto sa pag-aaral dulot ng pandemya. Kumuha ng kursong BSED Major in Filipino. Naniniwalang pogi siya. Huwag niyo lamang tanungin ang kaniyang height. Napasáma ang kaniyang mga tula sa aklat na Danas: Mga Piling Tula ng LIRA Fellows 2019.
