
Paul Alcoseba Castillo
Batch Salamisim/2011
Mula sa Antipolo
Si Paul Alcoseba Castillo ay nagtuturo ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Santo Tomas. Resident fellow siya ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Kinilala na ang mga tula niya sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (2018), Makata ng Taon: Talaang Ginto (2017, 2018), at Maningning Miclat Poetry Awards (2013). Siya ang awtor ng Walang Iisang Salita na nagwagi sa National Book Awards noong 2019 at ang Lunas Sa Nabubuong Lubos na parehong inilathala ng UST Publishing House.
Sa Pagwawakas ng Pag-iisa
Sa pagwawakas ng pag-iisang
dibdib natin, tinanggap ko
ang pagsumpa mo ng hirap
at ginhawa nang isinuot mo
sa aking daliri ang walang hanggan.
Habang kanina lamang, ako
ang sumumpa ng tapat
na pag-ibig sa iyo, ipinasakamay
ang bigat ng bigay
na salita na tangan natin
sa magkadaop na palad,
sa mabagal nating paglakad
sa namumulang gayak nitong pasilyo.
(Kabilang sa koleksiyong Walang Iisang Salita, UST Publishing House, 2018)
Paracetamol
Ingat, bilin ng aktor habang kunwari
Isusubo ang hindi nakikitang gamot
Sabay papalatak. Kung ganoon kabilis
Ang bisa laban sa sakit ng ulo
Sa magdamag na pag-aabang
Kung darating sa bahay ang anak.
Kung patutunugin ang dila’t ngalangala,
Mababawasan ba ang konsumisyon ng magulang
Tuwing lalabas ang supling?
Ingat pa rin ang tanging ibibilin
Kahit dis-oras ng gabi, kahit araw-
Araw ang panenermong hindi na
Ligtas ang pag-inom sa labas.
At uma-umaga, idinaraing
Na masakit ang kaniyang tuktok o sumusuray
Ang buong paligid.
Iyan ang napapala ng pagsuway
Sa magulang. Kaya kahit wala pang laman
Ang sikmura, hinahayaan siyang uminom agad—
Dapat ulitin, para mawala ang hang over, isinasagot niya
Upang muling makalayas. Walang katiyakan
Kung paano siyang uuwi
Ngayon pang manhid na pagkatapos
Tamaan ng punglo ang ulo.
(Kabilang sa koleksiyong Lunas Sa Nabubuong Lubos, UST Publishing House, 2021)
Para Nang Sa Langit
Paano kung nakatingala ang langit
Sa atin ang mga talang nagkalat
Na parang nasa langit na
Ang namamatay-sinding mga ilaw
Sa sandaling landasin ng dilim
Ang daigdig na ang didinig sa mga daíng
Kahit ang mga dasal dito napatapon na
Lamang sa langit na nasa ating lilim
(Kabilang sa chapbook na Mga Kuwadro, Aklat Ulagad, 2023)
