
Steven Claude Tubo
Batch Dinig/2021
Mula sa Tumana, Marikina City
Si Steven Tubo ay tubòng Marikina. Kasalukuyan siyang 2nd Year College at kumukuha ng kursong Bachelor of Secondary Education – Major in Filipino sa Institute of Creative Computer Technology (ICCT) Colleges. Graduate na sana siya kung hindi tumigil sa pag-aaral nang dalawang taon mula nang nagpandemya. Naniniwalang pogi siya.
Kandila
Kung malungkot at may lamay,
Hayaan ang kanyang buhay;
Kung hihiling, magdiriwang,
Patayin namang agaran.
(Nailathala sa Dinig: Mga Piling Tula ng LIRA Fellows 2021)
Sigarilyo
Sinindihan ko ang huling sigarilyo.
Hiniphip hanggang sa mapunô ang aking bagà;
naghahangad na kaya kong singhutin ang lahat
ng hindi malilimutang alaala at pakawalan
lahat ng kawalang-katiyakang sinusubok
nating ayusin ilang buwan na ang nakalilipas.
Sana’y káya kong tanggapin na hindi ka para sa akin
habang sinusunog ng piltro ang aking mga daliri.
Sana’y kaya kong palayain ang sakit
na kasingdali kung paano ko ibinubuga
ang usok sa kalangitan –
Sana’y marating ka ng amoy nito
at ibulong na hinahanap-hanap ko pa rin
ang iyong halimuyak.
Na sana’y naririto ka pa;
Nagbibigay sa akin ng nginig, naghahandog
ng dalamhati’t dinudungisan ang aking katawan.
Ngunit may nakakalimutan ka.
Ako ang apoy
at hindi mo ako makakáyang sunugin.
Ako ang apoy
at ganito ko pinapasò ang aking sarili.
(Salin mula sa Ingles ng tulang Cigarette ni Jed Nykolle Harme)
Paruparong Girlie
(Pagkatapos ng Paruparong Bukid)
Paruparong Girlie na lilipad-lipad.
Pagsapit ng midnight, papaga-pagaspas.
Ang kuko’y matulis, sandipa ang pakpak
Sanggol, kanyang hanap sapagkat masarap.
Ang hati ay crosswise, ngipin ay matalim,
Aayaw lumapit sa bawang at asin.
Pagdating ng morning siya’y dalaginding,
Muling mahahati pagsapit ng dilim.
