Ang Nalalabi Rito

Title: Ang Nalalabi Rito (2nd Ed.)
Author: Nikka Osorio Abeleda
Publication Year: 2024
Language: Filipino
Format: Print/Paperback
Pages: 52
Size: 14.61 x 20.32 cm
Selling Price: PhP350.00

Hindi pa tapos habang may buhay pa ang umaalala…

Paano pinipili ng kamalayan ang isang alaala na nagpupumilit maging tula? Nag-aalay ng ilang mga paraan ang koleksyon ng tulang Ang Nalalabi Rito ni Nikka Osorio Abeleda upang tingnan ang ilang mga imahe na lumulutang mula sa tila nananaginip na kamalayan tungo sa wika at tanawin ng tula. Sa pamagatang tulang Ang Nalalabi Rito, ang pagninilay-nilay ng persona sa isang parke sa Alemanya sa taglamig ay pinasiklab ng karatulang naghahayag kung ano ang magiging mga bulaklak sa tagsibol. Isinasalin ng persona ang wala-pa-rito sa isang imahe ng kanyang sarili na tumitingin sa kawalan, at ipinaaalala niya sa kanyang sarili na ang paghahanap ay para sa “Mga tulad ko/ na aabot lamang/ sa ganitong tila pag-aalay// ng alaala ng wala pa roon/ sa alaala ng wala na roon.” Ang labi ng karanasang-buhay ay parehong inaasahang pagdating at hindi mababawi na pag-alis. At ang pagnanais ay patuloy sa muling paggawa nito sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng paulit-ulit na tula na tumutuhog sa buong koleksyon: Hindi tapos na obra. Hindi pa tapos habang may buhay pa ang umaalala.

Marjorie Evasco

Isang malaking pagkukulang kung hindi natin nabigyan (sapagkat ikalawang edisyon na itong libro) o mabibigyan ng nararapat na atensiyon at pagpapahalaga ang Ang Nalalabî Rito. Pambihira ang librong ito sa pagtatanghal at pagninilay sa mga bagay at pangyayaring nasa pagitan ng wala pa rito at wala na rito. Kung ano itong nasa pagitang ito ang tila siyang “nalalabî rito” na tinutukoy sa pamagat at dahil nalalabî ay masasabing mahalaga kung hindi man tanging mahalaga. Higit pa, hinahayaan ni Nikka Osorio Abeleda ang mambabasa na tuklasin para sa sarili kung ano itong nasa pagitang ito, bagamat may mga sapat na pahiwatig at pananda siyang inilaan, madalas ay sa anyo ng balintuna at kontradiksiyon, upang tila mahanap din ang landas palabas sa salimuot ng nilikha niyang laberinto ng mga salita at ideya tungkol sa samotsaring paksa at usaping pansarili, pansining, at panlipunan. Madarama ang mga munting pag-aalinlangan sa mga taludtod bagamat tahimik at maingat na sumusulong sa tinatahak (na hindi rin mararating nang ganap). Sa masinsing pagbasa, maisisilid ng bawat tula sa ating isip: “may nakalas / na pin sa hindi mawaring / granada.”

Mesándel Virtusio Arguelles

Bibihira ang aklat na tulad nito. Buong-buo. Bawat tula, bawat taludtod, bawat salita ay pinangangatuwiranan ng mismong pag-iral sa pahina, kaugnay ng iba, na nasa tama itong lugar, na angkop na angkop ang ginawang mga pagpili at pasya ng makata. Dahil ang bawat kataga na inilimbag ay pinuhunanan ng atensiyon na madarama sa mapaglimi nitong tindig at himig. Bawat usad, malay sa mga hanggahan, sa agwat na tinatawid ng akto ng pagsasawika. Napakaraming ibon, likhang sining, at salamin na tinutunghayan sa librong ito. Pinapantig ng mga talutod sa bawat tula ang proseso ng pagtunghay, ang mga yugto ng pagkakamalay. Ipinararanas ng Ang Nalalabi Rito ni Nikka Osorio Abeleda na nasa pagdaloy, nasa kaakibat na palagiang pangangapuhap ng makatarungang agwat ng pagtunghay nagkakaanyo ang sining. Nasubaybayan ko ang pagkakabuo ng mga tula sa koleksiyong ito, gayundin ang unang pagsasaaklat, pero nang mabasa ko ang kabuuan, nagulat ako. At kahit mahigit isang dosenang taon na ang lumipas, patuloy pa rin akong nagugulat sa pagdating ng sariwang kabatiran sa bawat pagbasa.

Allan C. Popa

Librong LIRA

Tunghayan ang iba pa naming mga libro.