Title: Landas sa Ilang
Author: Ronald Araña Atilano
Publication Year: 2024
Language: Filipino
Format: Print/Paperback
Pages: 88
Size: 14.61 x 20.32 cm
Selling Price: PhP395.00

Two words to describe this collection: walang tapon….
Matagal ko nang inaasam magpalibro ng tula si Ronald Atilano. Noon pa kasíng 2002 at
makatagpo ko siya sa palihan ng LIRA ay hanga na ako sa maingat niyang paglalatag ng
taludtod. Hindi ako nabigo sa pagbása ngayon ng libro niyang Landas sa Ilang. Tulad ng
mahihiwatigang pagsulyap niya sa kahawig na biblikong parirala, ang koleksiyon ni R.
Atilano ay may adhikang propetiko ngunit sa paraang binabalikan ang nakaraan at
kasaysayan upang isalungat sa kasalukuyang estado ng ating mundo at panahon.
Nagiging sandigan din ito ng pagtatakwil sa “mga puyát na bangketa” at mga mukha ng
gútom at dusa sa “siyudad ng mga ataul” upang maghanap ng “landas . . . sa supremong
gubat” ang nag-alab na guniguni. Ulit-ulit niyang ipinahahayag ang mga katotohanang
alám na natin ngunit ipinagkakait ng ating mga lider at pambansang edukasyon sa
madlang minamangmang ng paniniil at panlilinlang. Halimbawa, ang “Siyestang Obrero”
ay isang oda sa pagtitiis ng mga dukha samantálang kumukutya sa mga kapitalistang
nagdudulot ng gayong lumbay sa munting kasiyahan ng mga manggagawa. Sa akin, ang
tulang ito ay sapat nang palatandàan ng pambihirang kislap-diwa at matayog na
pamantayan sa pagtula ni R. Atilano. Basahin natin ang Landas sa Ilang at ipagbunyi.
Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario
Mapalad akong mabigyan ng pagkakataon na mabasa nang mas maaga kaysa sa iba ang libro na ito ni Ronald Atilano.
Two words to describe this collection: walang tapon. Lahat ng tula, maganda.
Darang na darang ako sa pagbubuo niya ng mga imahen, para magpalitaw ng partikular na emosyon mula sa mambabasang tulad ko. Ang linaw, ang kongkreto, ng bawat taludtod.
Damang-dama ng aking pandama.
Mahusay ding magdisenyo ng tula si Ronald Atilano. Malimit ay inosente ang mga unang taludtod o saknong, hihimayin ang usapin sa gitna, at boom, babagsakan ka ng bomba sa pagwawakas. Nakakawasak ang bawat niyang wakas.
Mahuhusay ang tula niyang may balintuna. Madalas kasi ay wala ito sa kanyang mga sinasabi sa tula. Nasaan kung gano’n? Nasa pagbabangga ng tula at ng kaalaman ng mambabasa sa tunay at current na sitwasyon.
Ang koleksiyong ito ay nagpakita ng kasanayan ng awtor sa tradisyonal, free verse, at eksperimental na anyo ng tula. May ilang concrete poems dito si Ronald na magpapagitla sa mambabasa. Ngunit ang pinakapaborito ko ay ang mga tula tungkol sa city life, gamay ko ang buhay na ‘yan, bilang 100% na Manilenya. Tinulaan niya ang dumi, panghi, pakla ng lungsod, pati na ang kasalatan nito sa maraming bagay. Bilang manunulat din, alam kong napakahirap paksain ang mga ‘yan, dahil sa mediocre na makata, mauuwi ang lahat sa poverty porn.
Pero, iba ang hagod ng mga akda ni Ronald. Imbes na mandiri ka, o mainis, maawa sa kalunos-lunos na lungsod at mga tao rito, ikaw ay mamamangha. May itutuon siyang spotlight sa burak, susundan ito ng mata ng iyong utak, ang kanyang mga salita ay tubig na lilinis, at siyang magpapaahon sa ginto, at siya ring dadalisay sa iyong bungo.
Beverly Wico Siy, Kaibigan ng awtor
Isang pribilehiyo ang mahintay ang ganap na pagkahinog ng isang aklat. Matagal nang inaabangan ang paglilimbag na ito ng unang kalipunan ng mga tula ni Ronald Araña Atilano at madarama sa bawat salitang pinili niyang manatili sa pahina ang panahong inilaan sa maingat na pagtunghay sa mga larawang buhay na pinatitingkad sa pahina ng maingat niyang pagsasataludtod. Ngunit ang pagtula ay hindi simpleng pagtutumbas ng wika sa karanasan. Sa mahusay na kamay ng makata, sa giya ng imahinasyon at hangaring magambala, kung hindi man mabago ang kalagayang hindi makatarungan, nagagawa niyang pahulagpusin sa mga bitak na nililikha sa realidad, sa pamamagitan ng simpleng pagtatabi-tabi ng mga sangkap ng tula, ang ideya ng pag-asa. Ito marahil ang tinutukoy ng pamagat na Landas sa Ilang, ang nililikhang hawan ng mga tula sa akto ng paghulagpos. Mapaghilom ang puwersang ito, una sa antas ng wika at sana, sa buhay ng mga tao.
Allan Popa
Mapa sa pandama ang Landas sa Ilang ni Atilano. Natural at dekalibre ang matalas-masugid na pagmamasid-tugis ng makata sa loob at labas ng pagdanas sa araw-araw, sa mga salaysay ng kasaysaya’t alamat, o kahit ng mga lumot na ideyang tinitistis ng kanyang talinghaga upang ating matunton—bakas ang mga tula sa pagtugpa sa mga landas na hindi o ayaw nating piliin, o pinili na’t nais humawan ng bago. Paalis o pauwi sa kung saan mang maligalig o kumportableng lunan tayo nagmumula, may sikot ng likot at hiwaga ng pagkatuklas ang mga tula sa koleksyong ito. Gabay sa paglandas ang mga palaboy, matadero, orador, pusa, musika, pelikula, maging mga limot na mga gusali, akbay-suhay ang alaala ng mga tinatanging wala na ngunit naririyan sa pandama “lalakad kang kasama nila at mauunawaaan mo/ ang payak nilang pananalig” hanggang sa marating natin ang ilang, ang ating mga ilang.
MJ Rafal
Librong LIRA
Tunghayan ang iba pa naming mga libro.
