Abner E. Dormiendo

Batch Bantas/2017
Mula sa Antipolo City, Rizal

Nagtapos ng AB Philosophy si Abner Dormiendo sa Ateneo de Manila University noong 2014 at MFA Creative Writing sa De La Salle University noong 2023, at kasalukuyang propesor sa Far Eastern University. Nagkamit na siya ng ilang parangal para sa kaniyang mga akda, gaya ng Gawad Palanca at Gawad Bienvenido Lumbera, at nailathala naman sa iba’t ibang publikasyon tulad ng Likhaan, High Chair, Cha, at Alchemy: A Journal of Translation. Sa kasalukuyan, nagsisilbi siya bilang isa sa mga patnugot ng Katitikan: Literary Journal of the Philippine South at direktor ng Palihang LIRA. Ang kaniyang unang aklat ng tula, Sa Antipolo pa rin ang Antipolo, ay inilimbag ng Librong LIRA noong 2023.

.

Isang Siyudad ang Pangungulila
Tila mga mata ang mga bintanang
Sukat makagising ng aking ligalig.
Isang siyudad nga ang pangungulila.

Ang aking paglakad ay ginagambala
Ng katahimikang may kubling panganib.
Tila mga mata ang mga bintana

Na nandidilat ma'y di nababahala
Sa kapahamakang aking masasapit.
Isang siyudad nga ang pangungulila

Na binabagtas ko't bagaman mistulang
Alaala mo lang ang maninibasib,
Tila mga mata ang mga bintanang

Nag-aabang lamang sa dalang pinsala
Ng pagitan nating tuloy sa paglawig.
Isang siyudad nga ang pangungulila’t

Ikaw ang kaniyang angking talinghaga:
Mukha mo’y tahanan, at sa aking isip,
Tila mga mata ang mga bintana.
Isang siyudad nga ang pangungulila.

&
"While all letters and punctuation marks look similar enough in abstract, the ampersand feels unique, like a shape-shifter that could transform at a moment’s notice.”

— John Brownlee, “Why Designers Love the Ampersand”



At ang masalimuot na kalsadang lumiliko
pabalik sa sarili, ang tubig na lumilibot

sa dalawang maliit na batong tumutuldok
sa tila pahinang aplaya. Nang ginupit

ni Delilah ang buhok ni Samson, nangulot
ang mga hiblang nagbagsakan sa sahig

ngunit di nito natuldukan ang kuwento. At
ang kumukurbang tangkay ng akasyang

binabantasan ng mga dahon, ang halamang
tumubo sa lupa, ang bulateng natutulog

sa sikmura. Matapos kainin ang hapunan,
namaluktot ang sawa bilang tanda

ng paghuhunos. At ang hinubad ng babae
na lasong nakatali, ang buhol sa lubid

ng nagbigting lalaking hindi nakita
ang nagdurugtong sa narito na’t wala pa.

Nang lumarga ang barko sa dagat, naiwan
ang kadena sa daungan at lumikha

ng hugis ng pagpapatuloy, at sa malayo,
ang alon sa dagat at ang ulap sa langit

ay kapwa-umiikot, bumabaluktot pabalik,
iginuguhit ang nag-iisang bantas ng daigdig.

Sa Antipolo Ako Unang Nakahawak ng Kamay ng Babae
Gusto kong burahin ang mga linya sa palad ko kapag naaalala ko iyong gabing iyon. Niloko ako ni Kathleen pero hindi ako galit sa kaniya. Minsan nalungkot na rin ako at naiintindihan ko siya. Kung matatandaan mo noong sinigurado kong wala ni isang pulgadang hindi nadampian ng aking labi sa buong likuran mo. Sa totoo lang gusto ko noong mangibang-bayan, sumakay sa isang jeep na palayo ng Antipolo hanggang sa pababain ako ng tsuper sa galit, ngunit maawain ang Maykapal. Binigyan niya ako ng puso. Binigyan niya ako ng napapagod na paa. Inilayo niya sa aking katawan ang Laguna kaya hinabol ko ang Laguna. Madalas gumigising ako sa gitna ng gabing malamig ang mga daliri. Gusto kong magsimula uli. Baka gusto mong haplusin ang noo ko at sabihing sisikat ang araw mamayang alas- singko ng umaga. Gisingin mo ako kapag nangyari iyon. Gusto kong makita ang mukha mo sa liwanag.