Adelma Libunao-Salvador

Batch Bigkis/2014
Mula sa San Miguel, Bulacan

Si Adelma Libunao-Salvador o Ka Ade ay isinilang at lumaki sa San MIguel, Bulacan. Siya ay pinalad na magwagi sa Palanca at Talaang Ginto|Makata ng Taon. Ang Silat at Iba pang Sanaysay ang kauna-unahan niyang libro. Ito ay finalist sa Madrigal-Gonzales Best First Book Award 2022. Sa kolaborasyon ng LIRA at Plus Network, ginawang short film ang tula niyang “Bitiw.” Ang tanaga naman niyang “Bituin” ay kasama sa eksibit na Pintanaga Linya-linya ng Pagsinta, isang proyekto ng Sentro Artista, LIRA, at Visual Art Poetry.

.

Passenger Seat
May klase pa ‘ko bukas sa UP
Pero gusto kitang makatabi’t
Makasama sa pagbibiyahe
Pag-uwi mo mula sa Makati.

Malayo-layo rin ang Bulacan;
Marami nang mapag-uusapan.
Minsan-minsan lang kita masolo
Na parang magnobyo pa lang tayo.

May biro at seryosong usapan,
May rebelasyong natutuklasan.
Sa tagal na nating magkasama,
May sandali pang parang mahika.

Gusto ko sanang dumaan tayo
Sa isang lugar na romantiko.
Kakain lang tayo nang mahinay
Na para bang walang naghihintay.

Pero alam nating di puwede
Pagkat lumalalim na ang gabi.
Uminom na lang tayo ng kape,
Hinihintay na nila’ng Jollibee.

(Nalathala sa LIRA 30 at Liwayway June 20, 2016)
Bituin
Nang ako ay angkinin,
Sa langit nakarating,
Doon ako’y bituin
Na pinakamaningning.

Kasama sa Pintanaga, 2023

Ang Pag-iibigan
Akala ko, ang pag-iibigan
Ay pag-uusap lamang
at malagkit na tititigan.
Akala ko, ang pag-iibigan
Ay paghahawakan lamang ng kamay.
Akala ko, ang pag-iibigan
Ay puro saya’t wala nang lumbay.
Akala ko, ang pag-iibigan
Ay pagtahak sa daan
Na nabubudburan
Ng talulot ng rosál.

Akala ko, ang pag-iibigan
Ay paglalapat lamang ng mga labi
At pagyayakapan nang ilang sandali.

Ngayon ay akin nang batid
Na ang pag-ibig
Ay lalo pang higit
Sa mga nabanggit—
Dahil ang taong umiibig,
Nararating ang langit
Nang paulit-ulit.

Philippines Graphic, Pebrero 12, 2019