Agatha Faye J. Buensalida

Batch Baga/2018
Mula sa Santa Maria, Bulacan

Naninirahan sa Santa Maria, Bulacan, si Agatha Buensalida ay naging writing fellow sa LIRA Poetry Clinic, UST National Writers Workshop, Cavite Young Writers Online Workshop, Akdaan 2023, at 22nd IYAS National Writers Workshop. Mababasa ang kanyang mga tula sa Lila: Mga Tula, sa unang isyu ng TLDTD, sa UBOD 2020, sa LUGAW NI LENI, PINK PAROL, KKK, KAKAMPINK, ATBP., at sa Lila: Ikalawang Aklat ng mga Tula. Kasalukuyan siyang kumukuha ng kursong Master of Fine Arts in Creative Writing sa De La Salle University-Manila.

Ang Kulay ng Panibugho
Pagkat tila tinatangay ng hangin ang ating tikas,
nagiging mga alipato táyong nililisan ng ningas.
Nalalaglag ang ating bait, nagkakalat sa sahig,
sumiksiksik sa mga siwang gaya ng mga abong tumatalsik
galing sa pinipitik mong tabako uma-umaga.
Ngayong inuuban na ang ‘yong tuktok 
at isinusubsob ka na ng sariling balangkas,
nanghiram ka ng mata sa aso, ng lalamunan—
nandidilim ang paningin mo’t umaalulong ka 
sa bawat aninong makikita mo sa gabi.
Hindi ko matunton ang lalim ng buntonghininga ni Papa
tuwing pilit mong binubuhat ang sarili
upang humakot ng uling para sa iniihaw mong mga paratang.
Saang balon ako sasalok ng tubig o magpapala ng buhangin
para isaboy sa naglulumiyab mong dibdib?
Gayong wala nang kilalang pag-ibig 
ang natutupok at napupulbos mong puso.

Nailathala sa unang isyu ng TLDTD Journal (http://tldtd.org/poet/agatha-buensalida/) noong 2020.

Mars Poetica
Nang ipadala ako ni Elon Musk dito sa Marte,
Ang una kong naging problema ay kung paano akong makatutula.
Dahil kapos sa grabedad, lumulutang ang lahat sa planetang ito.
Tanong ang laging kasunod ng pagdaiti ng mga titik sa anumang rabaw:
Magkakaroon pa ba ng bigat ang aking mga salita?
Kahit di magyelo ay laging nangangatog itong bagong mundo.
Paano na ang init, ang hininga ng aking mga talinghaga?
Ayaw kong maging tipak na lang sila ng malamig na malamig na hiwaga.
Dito, makapal at selyado ang aming mga tahanan.
Kompleto rin sa lahat ng kailangan namin upang manaig—
Pantapal sa manipis na atmosperang naglalantad sa aming kahinaan.
Hanggang saan ang kayang marating ng aking haraya
Ngayong nakapiit ako sa makabagong hawla ng kaligtasan?

Ngunit nagsusulat pa rin ako ng tula. Araw-araw.
Ayos lang kung pagdudahan ko ang aking mga salita.
Ito ang tanging nagbibigay-buhay sa ganitong pagpanaw.

Naisulat noong 2023 at nakapaskil sa aking Instagram akawnt.

Kalderetang Alaga
Igisa ang kinitil na lambing at tinadtad na bawang,
Isunod ang nilimot na likot at ginayat na sibuyas.
Idagdag ang niluray na alaalala at pinirat na kamatis.
Hintaying sumagitsit ang namumulang kawa
Hanggang manahimik sa isip ang humahagikgik
Na tilamsik; ang kumakawag na bagabag. 

Ibuhos ang tubig na sinlabo ng inusukang gunita.
Gawing mamantikang paliguan ang kawa:
Ihulog ang kinatay na bangkay ng mahal na alaga
Habang nililimot ang sumamo ng kanyang atungal,
Ang init ng kanyang lalamunang naging kumikisag 
Na embudo ng isang litrong sukà. 
Hindi dapat humalo sa sabaw ang hulí niyang luha.

Ilibing ang tanglad sa kumukulong puntod 
Ng inyong samahán. Ibaon ang tingin sa kawa.
Hayaang sumingaw ang sangsang ng panlilinlang
At patakbuhin sa kusina ang kaluluwa ng pagsisisi. 
Damhin sa iyong palad ang gaspang ng puting asin
At abong paminta–palayain ang kinukuyom na lansa.

Kapag nakamit mo na ang hangad na lapot at lambot,
Isaboy ang sinugatang siling lumalakas ang sipa
Habang nababaluktot. Huwag mong iisiping umatras.
Tikman mo ang sarsang pinalinamnam ng dahas
At ipasambit sa dila ang paalala ng kalam ng sikmura:
Walang sinisino ang gutom ng tao. Kumain ka.

Nailathala noong 2023 sa LILA: Ikalawang Aklat ng Tula