
Aldrin Pentero
Batch Gamlay/2012
Mula sa Baguio City
Si Aldrin Pentero ay nagsilbing pangulo ng LIRA mula 2015-2021. Naging fellow siya ng IYAS at Iligan National Writers Workshop. Kinatawan niya ang bansa sa Young Writers Forum na bahagi ng The First Forum of Asian Writers na ginanap sa Nur Sultan, Kazakhstan noong 2019. Kasalukuyan siyang opisyal ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (FILCOLS), at kasapi ng Baguio Writers Group. Ang Hindi Ito Laro ay ang una niyang aklat ng mga tula.
.
Deadication
Isa munang pasasalamat.
Isa munang panunumbat.
Isa munang panghihinayang.
Isa munang pamamaalam.
Lahat ay itatabon sa damdaming namatay,
Sa ilalim ng anim na taludtod ka hihimlay.
Habing Panahon
Kaalinsabay ng pinta ni Kora Dandan-Albano
Ating hinahabi ang noon at ngayon.
Bawat dugtong at buhol ay isang pagbubukás,
Pamana ng lahing panghabang panahon.
Ang likod at paa, tuwid nang matunton
Ang lága at alaga’y magsasama sa kumpas.
Ating hinahabi ang noon at ngayon.
Disenyo at kulay, di lang dekorasyon.
Paligid nati’t búhay, ninuno ang nagbasbas.
Pamana ng lahing panghabang panahon.
Sa anim na yarda ay linggo ang tuon
Ngunit sa kasaysayan ay dagdag itong bantas.
Ating hinahabi ang noon at ngayon.
Mula sa kamay ko, sa iyo sususón.
Sa sandaling tumigil, doon lang magwawakas,
Pamana ng lahing panghabang panahon.
Tiwala sa tala’t sa iyo ay wagas.
Ikaw na ang bahala sa Kalinga’t pagtuklas.
Ating hinahabi ang noon at ngayon,
Pamana ng lahing panghabang panahon.
Naging bahagi ng proyektong Kislap-Diwa: 12 Pagtatagpo ng Gunita sa Pamanang Pambansa ang tulang Habing Panahon kasama ang kaalinsabay na pintang Paghabi ng Kalinga ni Kora Dandan Albano. Pagkaraan ay parehong lumabas ang tula at pinta sa Santelmo Magazine 6.
Batang Pahagis
Hingang malalim.
Mag-iipon ako ng maraming hangin.
‘Yung sapat sa kung gaano katagal ko
kailangang manatili sa ilalim.
Muli akong lulubog.
Hindi perlas ang sisisirin kundi
sina Rizal, Aguinaldo, Mabini’t Bonifacio.
Sila ang mga bayaning kailangan kong sagipin
upang magligtas sa amin.
Malinaw ang tubig.
Marahan nitong idinuduyan palayo
ang baryang inaabot ko.
Ngunit mas malakas ang mga binti’t bisig
kaysa pag-agos nito.
Ilang beses ko na bang inarok itong dagat?
Pinamanhid na ng lamig ang aking pangangatog.
Dito, walang pawis ang pagod.
Kung pwede nga lang ay dito na matutulog.
Sampung piso ang nakuyom sa palad.
Kailangang umahon na ako.
Ang tulang Batang Pahagis ay bahagi ng koleksiyong Hindi Ito Laro.
