Anj Cayabyab

Batch Dinig/2021
Mula sa Dagupan City

Antukin si Anj. Sa kaniyang mga panaginip, siya ay manunulat, ilustrador, rockstar, at mangingibig. Kung siya ay gising, nag-aaral siya ng Applied Mathematics at Finance sa Pamantasang Ateneo de Manila habang naglilingkod sa mga pampanitikan at pangkabataang organisasyon. Naniniwala siyang kung maayos ang tulog, makabuluhan ang gising. Huwag lamang sosobrahan. Kilalanin siya sa kaniyang online diary sa Instagram: @anjcaya.

Kung sakali man
Kung sakali mang
dumaan ang pagmamahal,
pakikalabit na lamang ako
nang siya'y aking mangitian.
Kung sakali mang
ako'y tangkaing lapitan,
pakisabing huwag nang mahiya,
ako'y mag-isa naman.
Kung sakali mang
ako'y mapusuan,
mangyaring siya'y pakibantaan:
ako'y langit, kung hindi kamatayan.

01 Pebrero 2023
Naghihintay pa rin
May mga gabing ayaw akong dalawin ng tulog
ngunit humihiga pa rin ako nang taimtim at pumipikit.
Tapos biglang lalagaslas sa aking pilipisan
patungo sa aking tainga ang bukál
ng walang pakialam at walang pakiramdam
na luhang hindi ko mawarì kung paano ko naimbak.
Hanggang sa matatahimik
ang mga tumutulang kuliglig
at ang tangì kong maririnig
ay ang bumubulóng na tubig.
Saka bigla na lámang akong lulutang
at aanurin patungo sa yungib
ng mga pamilyar na bangungot
na sa mga sandaling iyon lámang magpapakilala.
Ngunit hindi ko na pipilitin pang kumawag-kawag
upang lumayo. Hahayaan ko na lámang itong bumalong
mula sa aking talampakan hanggang sa aking noo
nang matapos na kaagad
ang paniniphayo
at maihatid na ako
ng alon sa aking kamang
laging tapat na naghihintay..

21 Mayo 2023
Inaantok na