Armando Lajom

Batch Lúsong/2025
Mula sa Santa Rosa, Nueva Ecija

Nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Central Luzon State University, Muñoz, Nueva Ecija. Retiradong punong-guro sa sekundarya, DepEd-Nueva Ecija. Dating manunulat ng mga kwentong tapos sa komiks. May konting kaalaman sa pagsulat ng skript at pagdidirehe ng mga dulang pangtanghalan. Mahilig sa mga awiting pangharana.

Anakpawis, Walang Umaga
Walang tigil ang paglakad,
Hindi tiyak ang patutunguhan,
Nadarapa, tumatayo;
May sugat ang mga binting alsado sa alipunga—masakit, makirot, mahapdi!
Malayo na ang nahahakbang ngunit bigo pa rin sa nilulunggati:
Presyo ng palay, itaas, gastusin sa bukid, ibaba,
Ang munting kamalig, malamnan.

Anakpawis ay puyos sa galit
pagkat may nagsabing siya raw ay tamad:
Dapat daw mag-isip, dapat daw kumilos,
dapat daw maghanap ng ibang trabaho—
nang hindi magreklamo, nang hindi umangal
at nang masapatan ang pangangailangan.


Sumpa ba talaga o lalang ng tao
na ang anakpawis ay api-apihan?
Ano't sasabihing maliit ang gastos?—
Pagbubungkal ng bukid, gastos,
pagbabasag ng mga tiningkal, gastos,
paghahalang at paglilinang, gastos, pagtatanim, gastos,
pagsasabog ng abono, gastos,
pestisidyo at gamot, gastos, pagpapaani, gastos,
bayad sa karyada, gastos, gastos, gastos,
at ng iba pang kung ano-anong gastos!

Sa anihan, ang masakit...
Dumarating, nangaglisaw, negosyanteng mapanggipit.
Dadakutin, gintong-butil, pepresyuhan:
diyes pesos pag sariwa, trese pesos pag "skin dry,"
kung kiskisin, disisais.

Anakpawis, laking inis sa presyo na disisais,
Sa panahon ng tag-ulan sa kaniya'y imposible:
Bilaran ay sadyang wala, anakpawis na dalita't
silang mga negosyante'ng may bilarang malalaki—
Ano pa ang magagawa? ano pa ang mangyayari?
Kakagatin itong diyes o di kaya'y itong trese:
Negosyante'y tuwang-tuwa, abot-taynga ang pagngisi't
sa bitag na nakaumang, anakpawis ay nadale.

Ang lipunan nga ba sa mga maliliit, mapagsamantala?
Ang lipunan nga ba sa pagmamalupit ay walang kahangga?
Ang lipunan nga ba sa pagmamalabis ay walang kapara?
Ang lipunan nga ba ang dapat sisihin at siyang maysala
kaya anakpawis, sa mula't mula pa'y
hindi masilayan ang isang umaga?
Sa Makating Halas
Nilalaro, maging araw, maging ulan, 
walang pagod ang alabok na katawan;
Gumagawa't isang bukal ng progreso:
braso't binti, paa't kamay na makalyo.

Bawat hagkis ng asarol, pagpapala't
bawat kagat ng araro ay biyaya;
Panghalabas sa takyara'y kumikislot,
kung pigilin, ang pag-asa'y mauudlot.

Nagdiriwang ang gamunggong mga pawis,
nilulusaw yaring bunton ng pasakit;
Butong-banat ay sa pawis naniniin,
ang batugan ay may sising papasanin

Mga binti'y makakati't puro halas,
kinakamot at ang nana'y umaagas;
Naninigid, pakiramdam na mahapdi,
iingusa't ang pag-inda ay pighati.

Sumisipol sa sandali ng pahinga't
nilalanghap ang amihang nagdadala
ng tiwala sa sariling nagsisilbing
tagaaboy ng masamang guniguni.

Gintong butil na nilikha nitong kamay
ay pagkain nitong buong sambayanan;
Kung masipag kahit hamak, walang dunong,
eksponente nitong bansa sa pagsulong.
Tuko sa Bahay ni Juan
Sa bahay ni Juan ay may isang tukong
silid na kisame'y ibig nang gumuho;
Matulis na ngipin ay isang palasong
malalim, makirot kapagka tumimo.

Kaliskis na pino ay nangangalisag
habang kinakagat ang bangaw na bundat
at hayok na lamok sa katawang hubad
ng hamak na Juang tadtad na ng sugat.

Pinagsisisila ang langkay ng ipis
pagkat dinuduwit, bigas sa kamalig
kaya sa tahilan ay nangakasiksik,
pakpak, nakabuka't nagsisipagngitngit.

Sa bahay ni Juan, mabagsik na bantay,
lamok, bangaw, ipis, ngayo'y nananamlay!