Cristobal F. Alipio

Batch Baga/2018
Mula sa Talavera, Nueva Ecija

Nag-aral at natutong tumula na may putik ang paa. Nagtuturo upang lalo pang matuto, Tawagin mo akong KT as in Kumander Tagay pero may FB name na Ambrocio Escalante Pascua na sagisag panulat mula pa noong 2003.

Ang Ibig Kong Pag-ibig
(Isinalin sa iba't ibang wika ng iba't ibang makata)

Ang ibig kong pag-ibig ay duwag,
May takot na mawala ang iniibig;
Ngunit handang lumaban
Kung aagawin ng iba.

Ang ibig kong pag-ibig ay sakim,
Ang akin ay akin lang;
Ayokong may ibang kasalo
Sa pag-aalay ng aking sarili.

Ang ibig kong pag-ibig ay sinungaling,
Pinasusubalian ang katotohanang
Kahit pangit sa tingin ng iba
Sa aki'y siya lang ang maganda.

Ang ibig kong pag-ibig ay mapaghanap
At di nakukuntento sa kinalalagyan,
Ibig kong matuklasan ang ligayang
Walang kapantay sa kanyang piling.

Ang ibig kong pag-ibig ay hindi dalisay,
Walang perpekto sa mundo;
Kahit siya'y madalas magtampo,
Ay lagi-lagi naman na lalambingin ko.

Ang ibig kong pag-ibig ay pansamantala,
Lahat naman ay nagwawakas;
Ibig kong kahit maikli lang
Ay katumbas ng walang hanggan!

20 Pebrero 2020

Ipon
Hindi ko naipon ang tuwa,
Napatapon na marahil sa gunita;
Mahanga'y mga papel
Na nakasuksok kung saan-saan
Sa silid—
Gaya ng resibo
Ng restoran, sinehan, pasyalan,
Biniling damit, sapatos,
At iba pang gamit.
Bill ng rest inn, na nakaipit
Sa diary.
Mga supot ng mga sepilyo
Sabon, shampoo at toothpaste.
Mga batong galing sa dagat
Falls, ilog at makasaysayang pook.
Retrato.
Hindi ko naipon ang lungkot
Ngunit di rin napatapon sa himutok;
Katulad ng mga kalat sa paligid
At sahig—
Abo at beha,
Basyo ng beer at bote ng gin,
Jacket ng gitara,
Nilamukos na tissue paper,
Burador ng tula.
Mensahe sa cellphone.
Kung inipon ko ay salapi,
Mayroon na akong tindahan ng sari-sari.
Ngayong tinitingnan ko ang kilometrahe,
Tinataya ko ang haba ng biyahe,
Nakaikot na ako sa mundo at meron pang kalahati.
Susunod kong bibilangin ang naipong buhok na puti.

10 Hulyo 2019




Hindi Kita Tutulaan
Kung ang tula'y isa lamang 
karaniwan na gawain
ng sinumang mambeberso,
lalaya ba ang puso kong nakapreso
sa pighati,
magbuhat nang kanyang iwan?

Kung sakali'y anong aking mapapala,
may lunas bang
idudulot kung maantig kita mutya
ng puso ko na nanlamig
na mag-isa
buhat nang s'ya ay mawala.

Hindi kita tutulaan,
kung ang tula ay pang-alay
na salitang mabulaklak
ngunit dagling lumalayong mga pakpak
ng pag-ibig
na sa tukso nagsimula.

Hindi ako mangangahas
na sumilay
sa langit mo
kung tula ko'y di dalisay.

24 Enero 2022