Dexter B. Gragasin

Batch Duende/2024
Mula sa Santa Ignacia, Tarlac

Si Dexter B. Gragasin ay kasalukuyang pampublikong guro sa elementarya sa Santa Ignacia, Tarlac. Kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) Batch-Duende. Hilig niya ang pagbabasa ng panitikan at pagsusulat ng tula na pumapaksa sa karanasan ng kabataan. Paglalakad, pagtakbo, at pamimisikleta ang kaniyang pampalipas-oras at libangan.

Punla
May galak sa paglipat
Sa lupa na buhaghag.

Doon ako'y panatag,
Mabubuhay na tiyak.

Ang aking mga ugat
Ay makakapag-unat.

Munti kong mga dahon
Mabilis na uusbong.

Patpating mga sanga
Lalabay nang masigla.

O, kaibigang araw
Sinag mo'y ipahiram.

Iwasan lang magkulang,
Ako ay mababansot.

O, katoto kong ulan
Pawiin aking uhaw.

Huwag lang magmalabis,
Ako ay malulunod.

May panganib pang hatid
Ang kaaway na uod.

Pati insekto't hayop,
Banta sa 'king paglusog.

Hanap ko ay pataba,
Ng kuwento't kumusta

Mula sa isang batang
Aalayan ng bunga,

Pagdating ng panahong
Hindi na ako punla.
Sa Punò ng Mangga
Sa bisig ng punò táyo ay sumampa,
Pumitas ng bunga, isilid sa bulsa.
Huwag lang maingay, pigilin ang sayá,
May pipit sa pugad na namamahinga.