
Edbert Darwin Casten
Batch Danas/2019
Mula sa Caloocan City
Si Edbert Darwin Casten ay produkto ng ilan sa mga prestihiyosong national writing workshops gaya ng Palihang LIRA (2019), Iligan National Writers Workshop (2020), at Amelia Lapeña-Bonifacio National Writers Workshop (2021). Ilan sa mga natanggap niyang parangal ay ang Gawad Artisan Tek for Poetry sa Technological University of the Philippines – Manila, at ang Jimmy Balacuit Award for Poetry mula sa Iligan National Writers Workshop.
Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang freelance copywriter, layout artist, tagasalin, at community/project manager para sa iba’t ibang kliyente.
Noong Una Kitang Nakita
Hindi ako nakapagsalita
Marahil dahil
Tinipon ng iyong ganda
Ang lahat
Ng pagkamangha
Sa daigdig
At ibinusal ito
Sa aking bibig
Walang Tulog
May ikinukubling nilalang ang káma
Na hindi makita sa ‘babâ ng kutson,
Kahit sa ibabaw ng payapang unan,
O mahanap man lang sa piling ng kumot.
Ngunit maririnig ang lakas ng hilik,
Hiwatig na naryan siya at katabi.
Abalang hanap ko ang aking katabi,
Habang nakahiga sa taas ng káma.
Akin pa ring dinig ang lakas ng hilik,
Hindi ko man tanaw sa rabaw ng kutson,
O sa ilalim man ng lukót na kumot,
Kahit sa malambot na punda ng unan.
Aking sinisilip sa punda ng unan
Ang hinahanap kong ingay ng katabi.
Inaapuhap ko sa bukol ng kumot
Na muling nahulog sa ‘babâ ng káma
Na nangangalay na sa bigat ng kutson
At naririndi rin sa ingay ng hilik.
Ayaw magpatulog ng tunog ng hilik
Na hindi nasipat sa punda ng unan,
Sa nakahilatang kaytamad na kutson.
Ay, mula sa hindi matagpong katabi
Na malamang naryan banda sa may káma,
O kaya ay nasa ilalim ng kumot.
Aking iniangat ang nadapang kumot
Umasang matagpo doon ang nahilik.
Ngunit wala naman, wala rin sa káma.
Kinapkap kong muli ang payapang unan,
Wala! Wala doon ang aking katabi,
Ayaw magpakita wala din sa kutson!
Para akong trumpong naikot sa kutson,
Kaya lukót-lukót itong aking kumot,
Kahahanap lámang sa aking katabing
Ayaw magpatulog ng lakas ng hilik.
Hindi maapuhap sa tulóg kong unan,
O matagpuan man sa ‘babâ ng káma.
Ay, hindi matagpo ang aking katabi.
Kaya tangan-tangan itong aking unan,
Para akong timáng sa himpilang kutson.
