Edelio P. De los Santos

Batch Dinig/2021
Mula sa Metro Manila

Si Edelio P. De los Santos, madalas magpakilalang Edsa, ay dating manggagawa sa BPO industry. Admin at manunulat siya sa pahinang Isang Tula Bawat Araw (@isang.tula.bawat.araw) sa Facebook at Instagram. Siya ay tubòng Baler, Aurora at kasalukuyang naninirahan sa Metro Manila. Awtor siya ng zine na “Alamat ng Santol atbp.” at katuwang na awtor ng “Sa Pagkain Sana” (kasama si Sam Lumban), kapwa inilathala ng 8Letters Publishing.

Ang Unang Paglalakbay ni Pépe
Siya’y ibinuga: kay Franciscong punlay.
Sa ilog ng k’weba’y kumakampay-kampay.
Siksikan sa agos. Kayraming kasabay.
Kay Teodorang itlog nangag-uunahan!

Sa gitna ng dilim, may pasasalamat
Na hindi ‘tinapon sa puson o palad.
Nguni’t anong dahas ng balya at tulak
Na sa kapwa binhi ay kanyang dinanas!

Dapat bang sa daloy, siya ay sumunod?
Kung sasalungat ba ay agad lulubog?
Kung siya’y may tuhod, dapat bang lumuhod?
Kung siya’y may Diyos, dapat bang mapoot?

Pinalad lang siyang may ibang tumúlong
Humawan ng daan. Siya’y nakahabol.
Kung bayani siya, ano pa ang hatol
Sa ibang nanghila at unang sumúlong?

Sa wakas, narating ang mutya ng yúngib
At ilang kíwal pa, sila’y magsasánib.
Masasawi silang kalangoy, katalik.
Si Pépe, paggising ay mananagínip!
Dagtúan
Sa silong ng buwan at mga bituin,
Dala nati'y lusóng, mantikilya't sabá.
Nasulyapan kitang malagkit ang tingin.

Barkada'y kasama sa dagtuang hardin,
Para kang ulupong: ang titig mo'y iba
Sa silong ng buwan at mga bituin.

Dyableg! Ako yata ay balak tukain!
Ang bayó sa lusóng, sa dibdib ko'y kabá.
Nasulyapan kitang malagkit ang tingin

Nang ibuhos ko na’ng sabáng dadagtuin.
Sipag mong magbayo’y tinutukso nila.
Pawis mo sa noo'y kislap ng bituing

Pinahid ng panyo nang aking abutín.
Hagikhik ang pangkat. Umiwas ang mata.
Tam-is ng dinagto'y malagkit mong tingin.

Sa lakad pauwi'y ayaw mong mamansin.
Bago mo ihatid ay hinila kita't
Nagitlá ang buwan at mga bituin.
Kay-lígat ng labì. Di ka makatingin.

(Nailathala sa Dinig: Mga Piling Tula ng LIRA Fellows 2021)
ACW*
bigyan ninyo ako ng tatlumpung segundo
ililigpit ko lang ang mga kalat ng nakaraang bagyo
na nagkatawang-tao at nagkunwaring-tao
huhugot lang ako ng isa't kalahating buntunghininga
lalagok ng laway upang anurin ang mga nilunok kong
mura alipusta tungayaw lait hiyaw reklamo
kalahati pang buntunghininga para lumanghap ng
pabango kong call handling skills at positive scripting
sabay sulyap sa salamin upang tsekin ang ngiting
dagdag na asukal sa boses kong naghahanap ng kape
isang inat isang kurap isang sulyap kay wagas-na-pag-ibig

at handa na akong sumabak muli

ang tinig ko ay magiging mahabang mga bisig
na tatawid ng dagat umaraw o gumabi o umulan
aakay sa mga uugod-ugod o may-kapansanan
gabay ng mga tangang henyo at mga nagugulumihanan
kasuyo ng mga nangungulila at walang-makausap
na matino sa kanilang mabilisan at nagmamadaling mundo
oo ang malamyos kong tinig ay gagabay sa pagkabit
ng mga kable maghahatid ng ligaya maghahatid
sa kanila papuntang paaralan o palaruan o trabaho
mula sa aking pagkakaupong nakasuga sa aking telepono
ako ang magpapaikot ng kanilang daigdig

dahil ako ay hindi lang tao

higit pa ako sa pawis at dugo at laman at buto at balat
ako ang panginoon ng oras at panahon
ang makapangyarihang nagpasya na ang araw ay gabi
ang almusal ay hapunan at maaaring magpuyat sa tanghali
ako ay isang bungkos ng mga pangarap matupad o hindi
isang kahon ng malutong na pasensya
isang maalong dagat ng hinahon
ako ay isang bunton ng pasasalamat na ako'y may trabaho
may damit may sapatos may utang may pambayad
may unawa may tiyaga may talino may pagmamahal
pagbigyan ninyo ako

salamat babay may tawag na ako

*ACW = After-call Work, ilang segundong pahinga ng mga call center agent sa pagitan ng mga tawag sa telepono.