
Edwin Abayon
Kasaping Tagapagtatag (1985)
Mula sa Masbate City
Mapagmahal sa tao, aso at pusa.
Mahilig magbutingting at magluto.
Taghoy sa Laot
Quirina, 92,
Inspirasyon
Lumayag akong nag-iisa
balabal ang pag-asang masumpungan
ang kandungan ng pangako mong pasigan
Pumalaot akong batbat na sala-salabat
na sapantaha’t agam-agam ang namumuong daluyong
sa nilulumot at gusgusing pantalan
Sa bawat hagupit ng hanging nangangalit
kumukudlit ang sumbat ng kidlat sa langit
at sa paghagod ng pilantod kong gaod
sagwan ko’y nagiging matalas na karit
na sumusugat sa pusod ng dagat
Pagsawsaw ng lumuting katig
bumikig ang ligalig at pahiwatig
ng tumagas na krudo’t gasolina
ng huklubang barkong nakatanod sa laot
mistulang multong palutang-lutang
Kapagdaka’y nagpatianod ako
sa dagat-dagatang kulay burak
tila purgatoryo ng mga natokhang
binusalan at kinatay na parang hayop
saka sinemento sa kalawanging dram
( ADIK! HUWAG PAMARISAN!)
Sinagasa ko ang pagbulwak ng ga-bundok
na basurang isinuka ng dagat :
mga sira-sirang laruan at mga lumang gamit
banig na pinamamahayan ng kuto’t surot
unipormeng puno ng mantsa’t kalawang
tsenelas na walang kapares
gulay na may pormalin
bungi-bunging suklay
mabahong medyas
sinunog na bibliya
bolang nasagasaan
botang butas-butas
bahay ng posporo
punit na kondom
upos ng sigarilyo
wasak na payong
inaanay na libro
hinog na napkin
buntis na diaper
asong inuuod
yuping batya
panis na ulam
bulok na itlog
patay na palaka
pinilas na komiks
bulaklak ng patay
tsupong may lason
sangkaterbang ebak
istampitang dinuraan
pitakang walang laman
binigting pusa’t nilasong daga
damit pangkasal na tinadtad ng bala
inaamag na kutson na tigmak ng dugo
santong pugot ang ulo’t dinukot ang mata
Namalakaya akong pilit na umiiwas
sa karimarimarim na pagsuka
ng dambuhalang pabrika’t planta
ng kalawang at langis
na kumulapol sa baybayin
hanggang sa malaso’t mangitim:
Tinuligsa ko ang banyerang nakatiwangwang
nakahambalang na kaulayaw ng mga langaw
nakanganga….walang laman
Tumalilis ang dilis at tamales
naghingalo ang kaloko at dog-so
nagulumihan ang tamban at tulingan
sumangsang ang hasang ng hasa-hasa
Kalooy,naluoy ang baroy at batotoy!
Isasalaysay ko sa paggaygay
sa nanamlay na sigay at salay-salay
ang kalansay ng lantsang nalansag
Tutungkabin ko ang damdaming sumiklab
sa itinambak na tambakol at alimusak sa nabaklas na balsa
Isisiwalat ko ang pagsambulat ng lambat
sa sisinghap-singhap na sapsap at apahap
Ay! malas ang nalasong malasugi
Isumbat sa isdang-lawin na umilandang na parang sundang
Ang nabulabog na labog-labog sa pagsabog
ng dinamitang gumutay sa talibao’t bituin-dagat
At sa kandungan ng daungan
itarak ang mga pinatuyong korales
sa nilulumot na dibdib ng mga yumurak sa laot
Putulin ang inasnang dila
at gawing pananda sa winasak na baklad
ng mga kapitalistang sumaid sa yamang-dagat
Patuloy akong magmamatyag
patuloy akong magbubunyag
patuloy akong mababagabag
patuloy akong maghahabag
patuloy akong maglalayag
patuloy akong papalag
Panata: Susuungin ko ang anumang sigwa
Sa pusod ng luksang karagatan
malayo man ang
p
a
m
p
a
n
g
N a p a k a l a y o
!
Serenata ni Ondoy
“…at sa tubig nailista ang kimkim na poot”
Kung Malimot Na Ang Mga Balita
Teo T. Antonio
Nagising ako ng may sukbit na sumpa’t kamatayan
Ang gabing sumusuyo sa puyo ng bagyo
Naalimpungatan ako sa pag-igpaw ng halimaw na tubig-baha
Mula sa kinalbong bundok ng Rizal
Kasabay ng walang-habas na hampas
Ng hanging kasinlamig ng bangkay
At sa pagmulat
Naumid ang puso ko
Sa mata ng bagyong bumalandra sa aking harapan
Ginulantang ako ng marahas na ragasa
Ng umapaw na ilog na may matatalas na pangil
At sa ‘sang iglap sinagpang
Ng sumpa’t paghihiganti ng bundok Montalban
Ang umagang sisinghap-singhap
‘Di kaginsa-ginsa, nagpupuyos ang umaalimpuyong daluyong
Umalimbukay ang kahindik-hindik na putik
Na tumabon sa kapilya’t ospital
Walang-awang humagupit ang dagok ni Ondoy
Walang patawad
Walang sinisino
Walang pakiramdam
Walang pangingimi
Walang pasintabi
Inilipad ang mga bubong at binalatan ang mga bahay
Ng umaatungal na hangin
Iniwasiwas ang anumang madaanan
Hinalibas ang akasya na kasintanda ni ama
Pinaluhod ang mga poste’t bakod
Na parang mga kandilang nalugmok
Ibinulagta ang mga alagang hayop
Sa ‘sang iglap
Humugos ang nakakapanindig balahibong
Pagbuhos ng ulang walang-humpay
At nilamon sa palingke at eskwelahan
Alumpihit kong dinalit ang galit at pait
Habang inaanod ang kabahayan at kabuhayan
Ng mabangis na alulos ng rumagasang tubig
Nakipag-unahan ang mesa,aparador at kutson
Sa sala-salabid ang mga sasakyang
Parang mga bangkang papel na lumutang
Mula sa imburnal, pusali at kanal
Umahon ang tuko, ahas at alupihan
At nagpatianod ang mga daga, baboy, pusa at butiki
Sinakmal ng trahedya ang umagang nangangaligkig sa lamig -
Nais kong amutan ng habag
Ang inang nabagabag sa karga-kargang sanggol
Na binalot ng putik ang buong katawan
Nais kong yakapin ang batang naiwang mag-isa
Sa unti-unting lumulubog na apartment
Nangangatog sa lamig
Nais kong damayan ang nangingipuspos
Na magkapatid na saklot ng takot
Habang nangungunyapit sa punong tumimbuwang
Kalunos-lunos
Nais kong tangisan ang mag-amang nanlulumo
Sa bubong ng inaanod na bahay
Kahabag-habag
Nais kong limusan ng awa ang matandang babaeng
Mahigpit na nakayakap sa posteng sumasayaw sa lakas ng hangin
At nakikipagtungali agos ng nanlilibak na baha
Kaawa-awa
Hindi ako palulupig sa panganib ng tubig!
Hindi ako padadaig sa pag–usig ng lamig!
Kamingaw
“Ang aking ibabalita: ang taga hatid ng balita
Ang siya ngayon ang laman ng balita…”
-sulat kay Antonio Zumel
( 10 Agosto 1932-17 Agosto 2012)
“The Maguindanao massacare, also known
as the Ampatuan massacre after the town
where mass grave were found occurred in the morning of November 23, 2009.
-Gelacio Guillermo
…The Committee to Protect Journalists (CPJ)
has called the Maguindanao massacre , the single deadliest event
for journalists in history. At least 34 journalists
are known to have died in the massacre.”
-Wikipedia
Sana,
Katulad nang dati
Kasalo kita sa pamamandaw ng bahaw na tula’t taludtod
At panlalambat sa aandap-andap na kutitap
Ng naghihingalong alitaptap tuwing madaling araw
Malimit naglulunoy tayo sa banig ng kamingaw
At humuhugot ng inspirasyon sa balintataw:
Nakikipagsapalaran tayong makabihag ng lagalag na babaylan
Upang himigan ng engkantasyon
Ang pusod ng karimlang kayakap ng mga ulilang bituin
Marahil, sadyang maramot ang karinyo ng hikab
At ni kapirangot na antok ay hindi dumadalaw
Kung kaya’t naglilimayon ang baog nating utak
Upang pagningasin ang damdaming kasinlamig ng nyebe
Nobyembre itong kakambal ang punebre -
Tinawag kang ina
ama
anak
bunso
Inangkin kang asawa
pinsan
kapatid
kaibigan
kakosa
Bininyagan kang komentarista
mamamahayag
cameraman
peryodista
reporter
makata
Sa bawat pagtugis ng mga putikang paa
Gumigiyagis ang hinagpis ng iyong tanaga
At naging tabak ang plumang dugo ang tinta
Kung kaya’t isinuplong kang insurektos at felibusteros
Sa bawat pakikipagtungali ng mga sunog na balikat
Nagbabadya ang pagbalikwas sa linang
Kung kaya’t pinaratangan kang huk at gerilya
Sa bawat pilantik ng balintuna’t balintataw
Tumitilamsik ang himagsik ng mga mukhang naglalangis
Pagsalimatik ng gusgusin mong panitik
Kung kaya’t tinagurian kang colurom at tulisanes
Sa bawat haplos sa paknos na likod
Lumalapnos ang muhi’t galit
Sa galos ng pakikibaka
Kung kaya’t binansagan kang ladrones at bandoleros
Sa bawat pagsulong ng mga putikang paa
Nagrerebolusyon ang lugmok mong panulat
Kung kaya’t pinaamin kang taga-labas at subersibo
Sa bawat pagsugpo sa siphayo ng damdamin
Nagsusupling sa pagkagupiling ng iyong ritmo
Kung kaya’t tinuring kang komunista at NPA
Anong banta’t babala itong dala
Ng balang bumalabag, Val Cachuela
At nabalisa ang umaga sa palahaw ng armalayt?
Anong krus itong pasan mo, Gina Dela Cruz
At ipinako maging ang iyong mga pangarap?
Ano ang isalaysay mo sa Sitio Salasay, Nap Salaysay
Ngayong hinimay-himay ang iyong himaymay?
Ano ang saysay ng iyong paglamay, Joy Duhay
Kung walang karamay sa iyong paghimlay?
Anong mithi itong nagbibinhi ng muhi , Humberto Mumay
Ngayong dugo’t luha ang bumabalatay sa iyong pagninilaynilay?
Anong misteryo nitong Huwebes, Maritess Cablitas
At kinalabit ng pait ang iyong matris?
Paano haharapin ang lasog-lasog na katawan,
Neng Montano,Rey Merisco at Jun Legarte?
Paano babasbasan ang basag na bungo,
Victor Nunez, Bong Reblando at Andy Teodoro?
Paano yayayakapin ang duguang kapatid,
Jimmy Cabillo, Joel Parcon at Daniel Tiamzon?
Paano tatangapin ang sabog na utak,
Ranie Razon at Ronnie Perante?
Paano iwawaksi ang wasak ng mukha,
Henry Araneta,Bart Marabella at Art Bela?
Paano iaakda ang kasamang nawawala,
Noel Decena at Ian Subang?
Ah, walang pinipiling kasarian ang pakikipagtagisan sa kamatayan
Ani ama-
“Walang hihigit pang sandata
Sa talas ng puso at isipan ng isang tao,
Ang lakas ng loob ay mas malakas pa
Sa anumang sandata sa mundo “
Sino ka nga ba’t ibinaon ng backhoe sa putik at talahib
Ang tinipon mong balita’t pangarap ?
Sino ka nga ba’t binasbasan ng bala’t babala
Ang musa mong tulala?
Sino ka nga ba at dumanas ng dahas
Ang panagimpan ng iyong Huwebes?
Tanto ko, pumipintig sa balintataw
Ang pakikipagniig sa tula’t bala
Ng luksang umagang nagbabantayog
Ng walang hanggang pagbangon
Ikaw
at ang kamatayan
Ay iisang tula.
