Efren Oserin Jr.

Batch Lúsong/2025
Mula sa Guinobatan, Albay

Tubong Guinobatan, Albay si Efren P. Oserin, Jr.. Nagtapos siya ng AB Literature sa Bicol University. Sa kasalukuyan, patuloy niyang ginagalugad ang misteryo ng kaniyang pakikipagsapalaran at pag-iral sa Metro Manila.

Mayon Lighting Project
Magandang balita. Buti inilawan
Ang láwas ni Mayon. Ito’y sinabitan
Ng mga disco ball mula talampakan,
Parang malaking bar ang kaliwanagan,

Random pa ang kulay. Pataas sa púsod,
Parang banderitas na sadyang ginuyod
Paikot sa hulma, cone shape ay sinuyod,
Diretso bunganga, at ito’y tinukod.

Sa tuktok ay billboard na may nakalagay:
Angat, Global Albay! May ilaw na gabay
Sa mga salitang lahat sabay-sabay,
Kumukurap-kurap: This is donated by...
Ang Bitay sa Guinobatan
"...in 1902, two African-American U.S. Army privates were hanged
before a crowd of 3,000 at Guinobatan, Philippines for deserting
to the anti-occupation insurgency” — Executed Today
At naroon sa espasyo ang napakaraming talim
Na hinasa ng digmaan at pagtuga ng hinaing
Na awa ng Amerika. Hila ng puti ang itim
Na lawas at kapalaran. At parang nananalamin

Sa kulay ang mga miron na obligadong tumitig
Sa pagbitay ng pag-asa. Tahimik lang ang paligid
Pati ang dalawang bihag. Pero naroon ang kisig
Ng tindig at walang nginig. Ang pawis nila sa lubid

Mula sa tinakpang mukha ay mga nagkubling luha
Para sa iniwang bayan, doon sa malayong lupa.
At sa pagdiin ng talim ay ang paglalim ng dila’t
Umaga sa Guinobatan. Matagal pa ang paglaya.