Francisco Arias Monteseña

Batch Estropa/2005-2006
Mula sa Majayjay, Laguna / Angono, Rizal

Dating guro sa kolehiyo at produkto ng maraming Pambansang Palihan kabilang ang 55th UPNWW. Nakapaglimbag ng 5 aklat mula sa ilalim ng mga Indie publishers at nakabilang sa mga antolohiya at dyornal. Nagtamo ng mga parangal para sa kaniyang mga akda.

.

Ang Gabi ng mga Isda
Nang may magtanong kung natutulog
ang mga isda ay tango ang tugon sa usisa.
At katulad nila ay tila walang talukap

ang mata ng gabi sa pagmulagat sa dilim.
May mga aninaw na mas malinaw
ang kapa at kislot kung tahimik ang paligid.

Ngayon ay paano kumawala sa lansa
ng kwadradong kulungang nilalanguyan
ng mga sapantaha ng paglaya't pag-ibig?

Wala sa kaliskis ang bakas ng pagkapit
sa daigdig na hindi pinaghuhunos
ng mga pagbabakasakaling pagtatagpo

ng tingin ng lumalangoy at tumutunghay.
Wala sa hasang at tinik ang pangako
ng pagtatagpo kung hindi nagtatapat

katulad ng langit at dagat ang lahat ng dapat
sabihin at ipagtapat hanggang hindi
nagsasara ang mga talukap.

Nalathala sa Antolohiya ng mga Nagwaging Akda, Unang Gawad Bienvenido
Lumbera
Dyip
Ibinebenta na ni Mang Gusting
ang matagal niyang pinag-ipunang dyip
nang magtrabaho sa Saudi. Matagal din
silang nagkasama ng sasakyan
na mas matagal pa niyang katabi
kaysa sa asawa. Ngunit ngayong kumakabog
ang kaniyang dibdib sa bawat pag-andar,
bumabangon ang pangamba at tinititigan
ang takot na baka katulad ng nagdaang
mga araw ay uuwing gulapay sa kitang kulang
na kulang. Laging patay ang hangin sa biyahe.
At sapakiramdam na laging may lamay
sa taas ng gasolinang hindi maaaring hindi bilhin.

“Sino naman ang bibili diyan sa dyip mo
eh puro na kalawang?”, tanong ng asawa.
May namuong luha sa mata ni Mang Gusting
habang sinusukat ang dyip kung ilang kilo
ang maaaring bigat sa timbangan.

Nalathala sa DxMachina 5 ng UP Likhaan
Anino
Kung kayang salubungin ang titig
ng may katawan, umaahon
ang kagustuhang kumawala
at maging kaniyang sarili.
Kaya gumawa ng alingasngas
ang anino’t ikinalat ang lihim
ng may katawan. Ipinagyabang
ang hawak na resibo ng kahinaan
at karuwagan. Nalunod
ang may katawan sa kahihiyan.
Akala ay kaibigan ang lawas
ng kaniyang anyo. na masaya ito
na siya ay ginagaya at sumusunod
sa bawat niyang kilos. Ganoon pala
kapag lumalabas ang dumi
ng kamay ng sariling anino.
Humuhugis ito ng sarili sa dusa ng iba,
kahit ang pinakamalalapit sa kaniya.
Walang mababakas na pagluha.
Ngunit nagkakamali ang anino
na sa pagbubuo niya
ay may kailangang madurog.
Dahil kung mawawala ang may katawan
ay kasama siya sa paglalaho.

Nalathala sa Likhaan Journal 17 ng UP Likhaan