Glen Patrick Camante

Batch Lúsong/2025
Mula sa Marikina City

Nagtapos ng kursong Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas si GLEN PATRICK CAMANTE. Naging miyembro rin siya ng Alyansa ng mga Panulat na Sumusuong (ALPAS), isang pampanitikang organisasyon ng mga mag-aaral sa PUP. Mababasa ang kaniyang mga akda sa TLDTD, Entrada, at Liwayway. Naging fellow na rin siya sa Palihang Rogelio Sicat at nitong katatapos lang na Palihang LIRA.

SA HATINGGABING PAMIMISIKLETA
Padyak-padyak ang bisikleta
Sa gabing nagmaliw na ang mga tunay
Na kinatatakutan, mga bangungot sa dilim.

Iniibsan ang kutob na masunggab ng mandaragit na sasakyan
Di alintana ang pangamba na masagi sa namumualan
At kumikipot na lalamunan ng kalsada.

Walang epal, walang kamoteng manggugulang.
Hindi na muli aalalahanin na ipagpilitang isiksik
Ang sarili sa nagbabalyahan na girian ng mga sasakyan.

Musika ang hangin sa hatinggabing namaos na ang busina
Ako ay ako nang hindi magmamaliw sa mga bukana
Ng mga pasilyong nangangain ng alingawngaw.

Nawala ako’t nagwala sa bingit ng mga lubak,
Tunghay ang mga nalalabing punit at pirat
Ng mga retasong di sukat ang pagkakalapat.

Naliligaw sa mga bungad habang natulala
Sa pagkamangha, pinalilipas na lamang
Ang pangungulila;

Ang mga kumakampay na sinampay na gusto magkapakpak,
Ang kukurap-kurap na ilaw ng posteng pinipilit
Magpasiklab ng alipato, ng pag-asa,

Ang mga pusang lumalayas at naglilingkisan,
Kumakalag sa mga kwarto’t kulungan
Na humablot sa kanilang kalayaan.

Ang pasikretong bulong ng mga kabahayan,
Ang bisagrang tumitili’t humihingi ng langis,
Ang malambing na lagaslas ng naiwang gripo sa labas

Ang humihilik na simoy ng hangin at;
Ang kalansing ng kadena ng bisikletang
Di matawaran ang pagsigaw ng mga enggranaheng
Umiinda sa kalawang.

Bighaning kalunos-lunos ang hatinggabi,
Sumasambulat ang bulungan at kaluskos,
Lalo na ang mga iniindang hikahos.
MGA KARATULA
Nagkalat sa paligid ang mga karatula
na siya ring ebidensya ng pagkasabik
na maalala. Palayaw ng mga kalye, tindahan
pagawaan, pabrika, plaka, signage, logo, atbp.
Samot-saring etsapwera

para tumatak sa kasaysayan.

Plaka ng pag-iral at kamalayan,
uhaw sa katotohanan ngunit
ang dating pangalan ay pangalan na lamang
kapag gumagawa na ng pangalan ang gusto magkapangalan sa lipunan—

tinatabunan at tinatapalan.

Kaakuhang nakasulat sa mga inangking karatula
ang nakatindig sa mga kalye upang ganapin
ang nakatakdang prinsipyong pinangakuan.
Ngunit maaari rin ‘tong mga hinaing at pagtataka
sa umiiral na kalupitan at kabutihan—

ang mga “para kanino,” at “’gang kailan panghahawakan?”
MARITES
Abot-kamay natin ang mga kuwento
Sa balumbon ng balitang kumakalat, nananabog, o parang mumo
Sa mga pagitan ng ngiping nginata't
Nilantak sa hapag ng selpon, nagluluwal
Ng mga kalatas na nag-uugnay sa lipon ng tsismis
Tsismis na kung kumalat ay
Lumulundag-lundag tulad ng palakang echosera
Papasa-pasa tulad ng makulit na butete
Na kung humirit sa paglangoy ay ubod ang harot,
Harurot at pilantik tulad ng kumekendeng na dila

Abot-kamay natin ang mga katotohanan
Sa paraang nasa sa atin ang tunay
Sa mapanganib o sa maingat
Sa masiyasat o mababaw

Masakit sa matang mamataan ang tsismosang
Kung umawra'y suot-suot ang daster sa bangketa
Dahil walang kiber na iboboka ang binaluktot
Na mga naratibo ng kahindik-hindik na baho ni kuwan
O ng kung sinumang nais nilang pagtripan
Habang bitbit ang walis hindi para sindakin
Ang alikabok, hindi ang mga natuyong dahon
Kundi gawing panabing sa mga nakaukit
Na langib ng kahapon

Habang namumualan sa nakakapaniwalang
Kabulaanang pinulutan sa bangketa
O sa labas ng tarangkahan ng kababawan
O sa panghihimasok para lang bigyang-pansin ang patsada

Hawak ba talaga natin ang tunay
Na pag-iral ng pagkatunay
O baligho maituturing ang lahat, ang kaalamang pinakialaman
Na parang dumadagdag na lang tayo sa pagpatong ng kalituhan?

Sinipit tayo ng tsismosa, sinampay para mabilad ang kinuskos na bantot,
Sa baligho’t pagkasaysay, ng pag-asa
Para hindi na muling hukayin pa sa lalim
Ang dunong na nakatakdang abutan ng taning
Sa ating mga lilim—nagiging misteryo o lihim