Imma Patrisse Lopez

Batch Dinig/2021
Mula sa Quezon City, Metro Manila

Si Imma ay ipinanganak sa Malolos, Bulacan at naging born-again Manila Girl sa Quezon City, Metro Manila. Kumuha ng kursong Visual Communication sa College of Fine Arts ng University of the Philippines Diliman ngunit hindi pa niya tinutuldukan ang byaheng batsilyer magpahanggang sa ngayon dahil inuuna ang pagraket. Maaari siyang ma-kontak sa atrisselo@gmail.com para sa graphic, UI/UX, o book layout design gigs.

Pagkain ng Oras
Kukót ang kukó't balát,
Kutkot, ano'ng masalat,
Abalá kangangatngat.
Kung Makapagmamalabis
Nais kong maging gabok
sa 'yong silid,
lumutang
na parang ingit
ng lumang kama
at humimbing,
sa pangingimbulo ng tumitikatik
na ulan.
Ang Maligno
Pagkatapos ng “Bangungot” ni Benilda S. Santos

Iniluwal akong mulát isang gabi,
Nagtago ang buwan, lamig ang tumabi,
Lumambong ang úlop noon sa ‘king labí,
Tuyo na ang dugo sa kaniyang pisngi.