
Jeremi Flores
Batch Lúsong/2025
Mula sa Pasig City
Si Jeremi Flores ay nagtapos ng kursong Batsilyer ng Artes sa Sining Panteatro sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. Nakapagtataka na nasa LIRA siya imbes na nasa teatro, pero kasi 100% introvert ang result ng MBTI test niya, kaya siguro. Baka kaya din siya patula-tula ngayon? Pero hindi na siguro importante ‘yon. Ang gusto niya lang, hinanakit ay mailabas, in short, umebas.
Mga Eksena sa ika-23 ng Disyembre
Nadinig ko mula sa di kalayuan
ang mga pagputok sa himpapawid.
Isang beses sa isang taon ko lang
nakikita ang mabababang bituin.
May hapis na taghoy ang mga pagputok;
tinatawag-tawag ang pangalan ko.
Sa lamlam ng buwan umaawit ang
pula, asul, berde: matingkad
at unti-unti ring nawawala.
Nakita ko mula sa kaguluhan ng kalye
ang kindat ng mga paslit na ilaw
sa mga bintana at pintuan; nagpapalit
ng hugis at tila nagpapapansin.
Tanaw rin sa kanto ang kislap
ng mga kuwitis at fountain;
hinihila at pinalalapit ako.
Di bale na, ayokong muling masabugan
ng matatabang piccolo.
Sumasampa sa malamig na hangin
ang saya ng mga karoling sa bawat gate.
Nilalampasan ko lamang sila.
Ayokong marinig ang mabigat na
kalansing ng mga tansang kumakaskas
sa marilag na kawalang malay
na hindi ko na kilala.
Matinis ang mga latang
tambol, may lamang barya-baryang
piraso ng ngiti—hindi mahalaga
kung magkano, basta’t
pinaghirapang ipunin ito.
Marami ring mabibili ang baryang bente
sa tiangge. May mga yoyo, teks, at beyblade
na kapalit ang paglaboy, paghimig
sa hindi siguradong aginaldo.
Hindi kaya minanhid ako ng sanlibo?
Ang mga bata, tumatakbo sila
patungo sa kawalan.
Saan din ako patungo?
Sa misa ng simbahan?
Sa trapik na daan?
Ramdam ko mula sa kalyeng nilakaran
ang torotot ng mga batang humihiyaw.
Nakatingala rin sila sa mga pumuputok na
bituin sa hungkag na kalawakan.
At sa di kalayuan, ang tahanan ko, nag-aabang.
Kubling Isda ng mga Bitak
Pagkatapos ng Fish (1972) ni Ang Kiukok
Pinaghihiwalay ng maraming linya
ang sámot ng hugis—danas at pag-iral.
Mga sumasabog at patay na kulay
sa bawat piraso—baság na haráya.
At ang bawat bitak, pamantínging gíya
ng malabong anyo: isdang walang hasang,
simot hanggang tinik, na kinukulayan
ang ating agwantá, poot, at pag-asa.
Kung isda’y lamunin ng pula at dilaw,
bilog, parisukat; lulubha ang lamat
ng salaming pinta. Ang agwanta’t poot
ay mananatiling nakatagong gimbál;
ang pag-asa’y bubog—lubhang sumusugat;
at ang pintang isda’y isdang nagdarahóp.
Walang Katapusang Dagat
“Kung matalo natin ang mga kalaban sa kabilang dulo
nitong dagat, lalaya na kaya tayo?”
-Hajime Isayama, Shingeki no Kyojin
“Ang mismong paghihikahos ay sapat upang punuin
ang puso ng tao. Isipin nating maligaya si Sisifo.”
-Albert Camus, The Myth of Sisyphus
Sa karagatan ng ’yong pawis
mo ’tinayo ang tahanan natin.
Walang pananangis, walang paninimdim.
Paghampas ng Nobyembre,
ang lahat ay tinangay lamang
sa alimpuyong kawalan.
Ang paghupà ng baha ay isang hiwaga.
Sa dagat ng ’yong katatagan
inilubog ang sidhing hinagpis.
Ako’y hinagkan, mahigpit na mahigpit.
Pag-alon ng Disyembre,
regalo sa ami’y pangako
na hindi tayo susuko.
Ang paghupà ng baha ay isang hiwaga
na ’yong pinanghawakan ang lalim ng tubig na ating kinalalagyan ang naging hininga mo sa
pagkampay upang kami’y iahon unti-unti muli mong itinayo ang nasirang tahanan kisame’t
bubong na hindi na matatangay ng anumang bagyo ngunit
Ang paghupà ng baha ay isang hiwaga.
Sa pagdagat ng bahang muli,
winasak mo ang kisame’t yero;
’lang pag-atubili, sa gitna ng gulo.
bubungan...
h a g
u p i t
n g u
l a n
R A G A S A
tu da on
ng big luy g
i
k a
w.
n
i l a m o n.
Ngayong Pasko, sa putikang pader
at haligi ng iniwan mong
tahana’y larawan
ng huli mong
ngiti—
Ang hiwaga ng bahang hindi na huhupà.
