John Enrico C. Torralba

Batch 1994
Mula sa Manila

Nagtapos ng BS Commerce Major in Legal Management at MA Philippine Studies. Dating nagturo sa Southridge School, De La Salle University, Ateneo de Manila University, at Miriam College. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa Komisyon sa Wikang Filipino. Pinalad na magwagi sa Talaang Ginto at Palanca. Nakapaglabas na rin siya ng isang aklat pambata, koleksiyon ng mga tula, at salin ng maiikling kuwento.

.

Elemental na Pag-ibig
Ang sinaunang pag-ibig ay nagsimula sa tubig;
Sinapupunan ng tapat na gunita’t panaginip:

Hinehele ng taklobo ang mga buhangi’t dukha,
Itinatago sa dibdib hanggang isilang na mutya.

Kung may nagbabantang unos, balanggot ay yumayakap
Sa mga ligaw na binti upang puso’y mapanatag.

Para sa mga taliptip, walang saysay ang panahon
Kaya’t ang pagliyag nila ay malalalim na muhon.

Lagi namang inaampon ng mga bakawa’t tangrib,
Ang mga kiming daliri o mapaglarong kaliskis.

Kapag may pangungulila ang mga tiyang nanimdim,
Alumahan at apahap ay handang makipagpiging.

Oo, sa tubig nagmula ang sinaunang pag-ibig
Ngunit dito rin ginising ang panibugho’t pasakit.

Sa tuwing may nauukit na tarundon o bakood,
Lubos ang poot ng ulan at bagyong pinayayapos.

Sa tuwing nahuhumaling magsipagtayo ng baklad,
Bumibisita ang alon upang manurot, mambaklas.

Pag naakit sa gubat, hanap-hanap ay alamid,
Nagsisitago ang dunsol at mag-iiwan ng tinik.

Pag nasasanay tumanaw sa liwanag ng parola,
Tatahimik ang sirena at mahihilam ang mata.

Kung mag-iiwan ng bakas sa pagtanaw sa pasigan,
Lalanggasin ang anumang pagliyag ng talampakan.
Nalathala sa:
Talaang ginto: Gawad Surian sa Tula (2007-2010)
Inedit ni Jesus E. Ferrer
Komisyon sa Wikang Filipino, 2010
Kalye Milagros
Kalye Milagros, walang nagtatanong 
Kung kailan ang katuparan ng iyong pangalan.

Ang pagragasa sa umaga
Ng mga sasakyan sa kanto
Ay tila tilaok ng ahas.
Maraming unan ang niiwan
Sa gitna ng mga pileges ng kobre-kama,
Dumarami ang mga tasang nabubungi
Sa malamig na lababo,
Napupuno ang mga sahig ng mga gasgas
Na iniwan ng takong at matitigas na suwelas
Na nakikipag-unahan sa unang haplit
Ng araw. Ngunit ikaw, parang inang
Nakabantay sa pintuan,
Tinatapilok mo kami ng iyong mga bako,
Binubulag ang aming mga mata
Sa nagkalat na tae ng aso,
Upang sabihin: “Mahal, walang
Naghahabol sa iyo. Magdahan-dahan,
Kailangang bukas ang isip
Sa maghapong pakikahamok.”

Batid mong kapag tanghali,
Dalisay kung yumapos ang araw.
Kaya tila ka hardinerong tinatagpas
Ang lahat ng lilim
Upang walang maglakas-loob
Na bagtasin ang lansangan,
Upang magkaroon ng panahong harapin
Ang inulilang kumot at unan,
Upang masuyo naman ang mga sugat
Ng iniwang tasa, kutsarita at platito,
Upang malamyos na mahaplos
Man lamang ng walis tamo o munting basahan
Ang hagdan at sahig.
Alam mong dalisay rin ang lupit ng araw
Kaya ipinaghehele mo ang aming ulirat
Para maligtas sa pagkasunog ng balat.

Gabi ang pinakaayaw mong oras.
Dito, marami ang lumilimot sa iyong pangalan: Milagros
Lahat ay pagod upang harapin ang iyong gulugod.
Marami ang nagsasara ng mata, pinto at bintana.
Ang ibang gising, kaniig
Ng kanilang titig ang telebisyon,
Ang mga estudyante’y kinakabisa
Ang mga kalyeng isinunod sa bayani,
Hayop, lunan, halaman at kaugalian.
Ang iba’y inaapuhap sa pahayagan
Ang mga pangalan ng bagong trabaho,
Ang iba ay binibithay ang listahan
Ng mga utang, singilin o bibilhin.
Lahat ay may pangalang hinahanap
Ngunit hindi ang sa iyo, kahit palayaw lang.
Kaya hindi mo maiwasang pumikit,
Lukubin ng pusikit ang iyong mga residente.
Gusto mong limutin ang pagiging monotonong
Tugon sa iyong pagmamahal.

Ngunit sa kabila ng lahat, kapag may isang anak
Ang umuwi nang hatinggabi mula sa trabaho,
Bisyo, panunuyo o pakikipagtalik sa libro,
At balot ka ng panimdim,
Hahayaan mong kukurap-kurap ang ang ilaw sa poste
Upang muling maalala, makilala
O kahit makita lang ang iyong ngalan.

Pangangarap
Pangarap ng saranggola na maging simoy
Kaya nagpapatangay.
Pangarap ng simoy na maging araw
Kaya pumapagaspas.
Pangarap ng araw na maging ulap
Kaya naglalakbay.
Pangarap ng ulap na maging ulan
Kaya umiiyak.
Pangarap ng ulan na maging bahaghari
Kaya nakikipagtalik sa liwanag
Pangarap ng bahaghari na maging bundok
Kaya humahalik sa mga taluktok.
Pangarap ng bundok na maging talon
Kaya nagpapatihulog.
Pangarap ng talon na maging ilog
Kaya naglilimayon.
Pangarap ng ilog na maging bato
Kaya humihimbing sa pampang.
Pangarap ng bato na maging binhi
Kaya nagkukubli sa parang.
Pangarap ng binhi na maging ugat
Kaya taos kung yumapos.
Pangarap ng ugat na maging talulot
Kaya binubuksan ang kanyang palad.
Pangarap ng talulot na maging saranggola
Kaya kumakawala sa tangkay.