
Jose Jason L. Chancoco
Batch 2002
Mula sa Iriga City, Camarines Sur
Si Jose Jason L. Chancoco isang lagalag ngunit ipinanganak sa Pasay City at lumaki’t nagka-isip sa Bicol. Nagturo ng panitikan at wika sa Ateneo de Naga University, isa rin siyang negosyante at “Panginoong May-Lupa” na nagkakalinga ng mga lupain ng kanilang pamilya (habang minamahal ang mga magsasaka). Sumusulat sa Ingles, Filipino, Bikol-Naga at Iriganon, nalathala na ang kanyang mga akda sa loob at labas ng bansa. Nagkamit na rin siya ng mga pagkilala mula sa Transition, Philippine Star, Talaang Ginto, Premio Tomas Arejola, Gawad Soc Rodrigo, Homelife Magazine, Dionatext, Premio Bibiano Sabino para sa Librong Bikolnon (para sa Pagsasatubuanan: Poetikang Bikolnon–NCCA, 2008) at San Anselmo Press. Naging aktibong organisador rin siya ng mga palihan, lektura at tanghal-tula sa Bicol at kasalukuyang isang outdoors at survivalism enthusiast.
.
Ang Alamat ng Pera
"Batà-batutà
'Sang perang mutâ!"
Nang bagito ang daigdíg,
May lumapág na bituín.
Sa lagabláb may pumuslít
Na kakatwáng panauhin.
Ang ngalan nyá'y Oro Plata,
Ang damít nyá'y kumikintáb.
Mulâ raw syá sa planetang
Gintô't pilak ay nagkalat.
Kanyá nga raw itong araw,
Pati buwán, mga talà.
Katutubò'y naghihiyáw
Sa paghangà't pagkabiglâ.
At si Oro ay nagsabing
"Walâ akóng pamba-barter.
Ngunit buwán ba ay pwedé
Na kapalít ay pagkain?"
Buông tribo'y nag-abalá,
Bawat binhî'y isinabóy.
Bawat lupà ay sinaka,
Bawat bukid ay sumibol.
Nang si Oro ay inantók,
Humihikáb na nagwikà:
"Kapág akó'y matutulog,
Saán akó hihilatà?"
Bawat tao nagíng masón,
Bawat tao ay nagpandáy.
Naging lungsód itóng nayon:
Bahay, gusalì at tuláy.
At si Oro'y nagpariníg:
"Sinong aking mayayakap
Kapág gabí ay malamíg?"
Sabáy ngisi, sabáy kindát.
Isáng kalye ang pumulá,
Kumikináng, lumalamlám.
May maharót na musika't
Mga dilág, sumasayáw.
Oro Plata ay gumising,
Tila nais na maglakbáy.
Pagkaligo ay humilíng:
"Gawâ kayó ng sasakyán!"
Ang pabrika ay umugong,
Ang lahát ay inhinyero,
Ang langís ay pinag-apóy,
At umandár itóng mundó.
Ngunít sa lahát ay lingíd,
Oro Plata ay may lihim.
Hugis talà nyang spaceship,
Panginorin, liliparin.
Oro Plata ay naglahò,
Walâng babay ni ha, ni ho.
Dalá lahát patí barò,
Nag-iwan lang ng sampiso.
At sinurì nitóng pantás
Ang sampisong tila buwán--
Buwáng bilóg, buwáng pilak,
Kapág gabí ay mapanglaw.
Kayâ't agád na hinugis,
Gintô't pilak nitóng mundó;
Bilang pera na pambuwís,
Na pambayad, pang-negosyo.
Ngunít tao'y nag-ambisyón
Na ang buwán ay liparín.
"Bakâ milyón ang naroón,
Limpák-limpák ating kunin!"
Ang spaceship ay lumipád,
Ni walâ nang hintáy-hintáy.
Nang lumapág silá'y gulát:
Walâng búhay itóng buwán!
Oro Plata ay walâ rin,
Walâng hangin, batis, bukid.
Nang makiná'y paandarín,
Ang spaceship ay malamíg..."
Bago kitlán ng hiningá,
Itóng pantás, sumigáw pa:
"Ay! Ang gintô, pilak, pera,
Sa buwán, walâng halagá!"
Panaghoy ng Itak na Nakatarak sa Dalaga
Paumanhín paslít na Daraga.
Hindî nadadaán sa pagka-halimaw.
At kung anó man ang halimaw,
hindî ko na alám.
Akó ay katuwáng o sandata lamang.
Dahil katuwang, ikáw ay may gagawín rin.
Dahil sandata, ikáw ay magsasanay pa rin.
Ako’y mutyâng aagawin mo sa tikbalang.
Ako si Uyutang, ikaw si Dumalapdap.
Ako si Rabót, ikaw si Bantóng.
Hindî pa man tiyák ang aking pinagmulán,
akó ay halimaw at halimaw lamang.
Minaracara, kasuklám-suklám
at pagkapangit-pangit
para sa mga prayle at mananakop.
Inihanay ako sa mga diyabló at taong-lipód.
Kina Naguined, Makbarubak at Arapayan.
Kasama na ang mga anito at ritwál ng baliana
na ginawâng panggatong upang maitayô
ang kaniláng mga palasyo at simbahan.
Subalit di-tulad ng mga sarimao
na ipinatapon sa Bundók Kulasi ni Handyóng,
nakatakas ako mulâ sa abó ng paglimot.
Naging isa sa minaracara:
Tenegre ng ginuntíng,
Tenegre ng sinampalok,
Tenegre ng baed,
Tenegre ng wastarì.
Kapatíd ng kinabayo ng minasbád,
kapusod ng kinabayo ng pinaldús.
Katalím ng pinanikî ng sundáng,
ng pinanikî ng plamingko,
ng pinili, kinulata, kinabalang;
ng pinanaká at inayam. Katuwáng
at kapatíd na umiibig sa iyó, Magayón.
Masayahing Tago-Ngirit na handâng magsilbí,
na handâng magtanggól sa iyó
sa parang man, dagat, batis o gubat.
At isasagawâ ko itó nang may makintáb
at naka-ukit na ngitî. Subalit Mahál ko,
di-nadadaán sa pagka-halimaw lamang
At kung anó ang halimaw,
hindî ko na nalalaman.
Ako ay katuwáng at sandata lamang.
Sandatang hindî pa kilalá
ng yumì mo’t kamusmusán.
At kung mahiwà man kita o daplísang
masugatan habang hinahawan mo
ang talahibán o niyóg ay binabalatán;
ito’y di-sinasadyâng paghalík
na tandâ ng kapatiran.
Anó nga ba naman ang aking kalikasan
kung hindî talím at talím lamang?
Subalit paumanhín aking Hinihirang,
hindîng-hindî ko inasám
na gamitin akó upang ikáw
ay malapastangan, at mapasláng,
ng manlulupig mong
sa akin ay nakaagaw.
Masahe Sensuwal
(Pagkatapos ng "Brotsa" ni April Mae Berza)
I.
Hihilutin kitáng langis ang pag-ibig,
Pagkát ang Mistér mo'y sa ibá tumingín.
Hayaang hagkán ka sa noó mo't bibig.
Pagkát ang Mistér mo'y sa beerhouse nahilig,
Patí ang sahod nya'y doon kumalansíng.
Hahagurin kitáng kumot ang pag-ibig.
Pagkat ang Mistér mo'y sa hotel iidlíp,
At kabít nyang waitress ang kanyang kapiling.
Hayaang utóng mo'y laruin ng bibíg.
Pagkát ang Mistér mo'y iba ang katalik,
At pamamahay nyo'y naiwan sa dilím.
Yayakapin kitáng dilim ang pag-ibig.
Pagkát ang Mistér mo'y hindî na babalík,
At kanyáng binahay, kerida nya't suplíng.
Hayaang tinggíl mo'y sipsipín ng bibig.
Mister mo't kabit nya'y nasok sa Bilibid,
At danyos ng Korte ay nakuhà mo rin.
Ma'am, sana ikáw ay mulî pang umibig,
Habang hiyás mo ay basâ sakíng bibíg.
II.
Hinaplós mo akóng luhà ko ay batis,
At nang ihayág kong Mistér ko'y nagtaksíl,
Masuyòng hinagkán mo, noó ko't bibíg.
Sa sawî kong tinig machó kang nakiníg,
Habang ang Mistér ko'y sa beerhouse humimpíl
Hinaplós mo akong luhà ko ay batis.
At dito sa spa akó ay sumaglít
Nang ang asawa ko'y sa kabít humimbíng.
Utóng ko at lungkót, nasok sa yong bibíg.
At nang mabatíd kong iba ang katalik
Ng Mistér kong taksíl sa sumpâan namin,
Hinaplós mo akóng luhà ko ay batis.
Nang ang asawa ko'y tuluyang umalís
At kabít nya't suplíng, ibinahay man rin.
Tinggíl ko at hapis, nasok sa yong bibíg.
Mistér ko't kabít nya'y hinuli ng pulís
At husgá ng Korte'y kumampí sa akin.
Kinain mo akóng tuwâ'y bumabatis;
Katás ko't pag-ibig, nasok sa yong bibíg.
III.
Nagtitiis akóng rehas ang kapatíd,
Dahil paratang mo, ako'y nagtataksíl.
Parang di mo batíd, kitá'y iniibig.
Lagì akóng walâ't may sinasaliksík,
At may nagtuturong sa beerhouse hanapin.
Pasalamat akó sa tropang kapatíd.
Alám kong sa spa, ikaw ay malimít,
Kaya't sinundán ka para sa bayarín,
At binibigáy ko ang lahát mong ibíg.
Akó ay nagimbal sa lalaking tinig
Ng masahista mong sayo'y pumipisíl.
Ako'y nanibughông dilím ang kapatíd.
Mga paratang mo'y aking nauliníg,
Kasunód ay ungol mo't mga halinghíng,
At umalís akong kita'y iniibíg.
Tinotohanan mo't ako'y pinadakíp
Kayâ't DNA test apelá ko't hilíng.
Pinabahayan ko'y nawalâng kapatíd
Na katulad mo rin, akíng iniibig!
