Kid Orit

Batch Oy!/2015
Mula sa Lungsod Bacoor, Cavite

Si Kid Orit ay nagtatrabaho sa isang pangkalikasang NGO at bilang manunulat para sa iba’t ibang organisasyon. Siya ang kasalukuyang pangulo ng Cavite Young Writers Association (CYWA), ugnayang-pangmadla ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), at direktor ng publikasyon ng Librong LIRA. Bahagi rin siya ng The Makatàs, isang grupo ng mga Balagtasero at tanghal-makata. Nagtapos siya ng AB Communication Arts sa University of Santo Tomas at doon ay naging miyembro siya ng Thomasian Writers Guild (TWG). Naging fellow din siya ng ilang palihan tulad ng 2011 Palihang Rogelio Sicat, 2nd Amelia Lapeña-Binifacio Writing Workshop, at 2018 UST National Writers Workshop. Ang kalupunan ng kaniyang mga tula na pinamagatang “Para kay P” ay nagwagi ng Unang Gantimpala sa Maningning Miclat Poetry Competition noong 2017. Mababása ito (liban sa tulang “Pagbibisikleta” na unang nailathala sa Philippines Graphic Magazine Vol. 27 No. 38) sa Likhaan 12 ng UP Institute of Creative Writing at nasa Tomás (Vol. 3 Issue 1) din ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies ang ilan sa kaniyang mga tula. Ang kaniyang tulang “Moloch!!” ang nagwagi ng Unang Gantimpala sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2020.

Larawan: Kuha ni Jopie Sanchez

Moloch!!

“Having conceived Babel, yet unable to build it themselves, they had thousands to build it for them. But those who toiled knew nothing o the dreams of those who planned. And the minds that planned the Tower of Babel cared nothing for the workers who built it. The hymns of praise of the few became the curses of the many—Babel! Babel! Babel!”
—Maria, Metropolis (1927)

I.
Mayroon pang hilik ang buntong-hininga bago magsimula,
araw na balót pa nitong namumusyaw na kumot ng dilim.
Laging namimilit ang mga orasan: kahit pa tulalang
bumabangon itong wisyo sa umaga. Mabigat ang diin
nitong mga paang laging sumasadsad sa gaspang ng banta
ng daang pinunô ng mga balakid na kayang kumitil.

Habang naghihintay ng mga sasakyan, dama ang pagkitil
sa katiyagaan. Di maláman-láman kung sa’n nagsimula’t
kung natatapos ba itong laksa-laksang gulong na madiin
ang pagkakalapat sa mga kalsada. Nakakatulalang
sipatin: hilera nitong mga táong mata’y nandidilim
sa gutom at púyat, ngunit laging handa’ng bisig sa pagbantang

sumabit. Dahil nga nagsisiksikan na, di na nagbabantang
magbigay ng puwang ang mga katawang pilit ’dinidiin
ang tindig at kapit sa p’westong ’ginitgit. Do’n nagsisimulang
uminit ang ulo nilang naubusan ng antok—kinitil
nitong usad-uod at naglilingkisang sasakyan. Tulalang
nagdarasal itong pag-asa sa sulok ng bulsang madilim.

Aabútang halos di na gumagapang ang pila. Sa dilim
ng nanggigitatang estasyon nagtago ang mayroong banta
sa kolorum. Halos di na maisara ang pintong kikitil
sa mga naiwang biyas na humabol sa nagsisimulang
pagsara nitong tren. Karneng ginigiling sa pagkakadiin,
mga pasaherong nabibilasa na at natutulala.

Madikit ang titig sa cellphone ng walang masakyan. Tulalang
naghihintay silang inalay na’ng s’weldo, kahit mapangkitil,
pamasaheng dukot nang dukot sa bulsa. Mayroon pang banta,
polusyon sa b’yahe: paghulas ng takip nitong nandidilim
na humpak sa mukha. Ang loob at bait ay nagsisimulang
kumalas sa isip. Ang takbo ng oras, lalong nandidiin.

Di mapapabilis ang mga paggalaw, kahit pa idiin
ang pambubusina sa nangarambolang sasakyan. Tulala
itong mga ilaw—lungti, dilaw, pula— hanggang sa magdilim.
Bawat panulukan at mga bituka ng lungsod ay banta
sa pinipilahan nitong mga paang ugat na. Pagkitil
ang bawat nakaltas na oras sa kíta. Pagód na simula

ang sumasalubong sa trabaho. Dilim na mayroong banta
ang pag-uwi. Hitik ang pagkatulalang mayroong madiing
titig sa namulang bintana. Pagkitil ang bawat simula. .

II.

Kuha ni John Rundell Paredes na nasa Facebook Page ng “Taga EAST Ka Ba?”
Kuha ni John Rundell Paredes na nasa Facebook Page ng “Taga EAST Ka Ba?”
Dahil walang langit sa dinadaanan ng bawat biyahe,
nakatungó silang taimtim ang dasal na tíla sumamo
sa kalsadang hitik sa pula at init. Kulang ang kandili

sa sariling di na nakapaghapunan, ganito parati
ang pag-uwi. Lalong dinadasalan pa ang lahat ng santo
dahil walang langit sa dinadaanan ng bawat biyahe.

Kalung-kalong nila’ng ipapasalubong: kaunting ináni
sa s’weldong inipit. Pinipilit nilang huwag magpatálo
sa kalsadang hitik sa pula at init. Walang pagkandili

sa pagsisiksikan ng mga katawang nagkálat sa kalye—
basta makasakay kahit nakatayo at kahit patúngo
do’n sa walang langit na dinadaanan ng bawat biyahe.

Aabútan nilang tulóg na’ng pamilya. Mayro’ng pagsisisi
sa pagtanggap nila sa bagong posisyon. Sana umasenso
ang kalsadang hitik sa pula at init. Hungkag na kandili

ang pag-uwi. Di pa natatapos itong gabi’t mahuhúling
pumupuslit itong ’bináong trabaho—bagong kalaguyo
dahil (impiyerno ang dinadaanan ng bawat biyahe
sa kalsadang hitik sa pula at init) patay na’ng kandili.

III.
Hindi natatapos na bangungot itong halimaw na lungsod:
araw-araw nito akong hinihila para lang ialay
ang aking sarili sa di nakikitang sinaunang diyos.

Hindi lámang ako ang napapasunod: wala silang hinay
na dumagsa, dahil sa kumakalansing ningning ng pangakong
pag-unlad ng bulsa at nang makaluwag sa kanilang búhay.

Nagtatayo sila ng mga pundasyon at do’n ipapako
ang mga abuhin nilang mga kamay, bilang pagdakila
sa barakong diyos. Nang masuwag niya’ng yaman, ’tinatago

ang tubò sa kahang ’pinagkakaloob sa templo—ang dilàng
matayog ang nasàng matikman ang kahit kakaunting langit.
Ngunit hindi lahat ay nakapapasok. Mayroong hiwagang

pilit pumipigil sa lahat ng nása ’babâng nagnanais
na makaangat pa, habang nalulunod ang nása itaas
sa kaginhawahang di ikukumpisal bilang labis-labis.

Hindi napapawi ang gutom ng diyos kahit pa madalas
tuloy-tuloy lang din ang dagsa ng tao. Para sila’y ritwal
na magsakripisyo at nang lumago pa ang yaman ng lahat.

Ganito parati hanggang sa magdamag at di natin alam
kung paano ito maiiwasan pa. Ang mga bituka
at galamay nitong lungsod ay iisa: táyo nama’y laman

dito sa kalsadang malubha’ng panunaw, ipinaparada
ang mga nahulas nating kaluluwa, ubos na ang bait
bago magtrabaho, sa daan ding ito tayo ’sinusúka,

habang ito’y dahan-dahang gumagapang sa noon ay liblib,
kinain na nitong semento ang lupa, matalas na ngipin
ang lahat ng kanto, sa bakanteng lote muling magtitindig

nitong mga templo’t nang makahamig pa ng aalipinin.
Paunti-unti man ang pagpapalawak, wala táyong takas
sa higpit ng kapit nitong makinaryang di magpapapigil.

Nakaramdam ako ng masidhing tibok na lalong umalab
sa pagkaantala ng aking pahinga—ginabi na ako
at kakauwi lang. Biglang nang-iinis itong tumatawag:

alagad ng diyos na palagi na lang n’yang pinatutungó
ang mas mababa pa sa kaniya. Galit na galit ang tinig
sa aking kawalan ng ganang mag-alay. Pero ang totoo,

dinig na dinig ko ang nginig sa boses niyang pinipilit
itago ang tákot. Dahil malalagot siya sa kanilang
higit pa sa kanya. Kayâ kung ako daw ay paulit-ulit

na magpapasaway, mapaparusahan kami: ginigisa
sa loob ng tansong toro. Bumabangon sa pagkakatúlog
ang matandang diyos. Luluhod ang lahat at sisigaw silang

 mayro’ng pagbubunyi at mga pagtangis—Moloch! Moloch! Moloch!