Leanne Pastorpide

Batch Duende/2024
Mula sa Lucena City, Quezon

Si Leanne Pastorpide ay isang rehistradong manggagawang panlipunan, mananaliksik, at manunulat. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Siya ay tubong Quezon.

Programa sa Piitan
Nagsipagtayo na at nagsipagkantá,
Nagsipanalanging hingi’ng gabay Niyá.
Nagdusa’t nagtika’t ako’y pikit-matá:
Ayókong lumayàng lagót na ang hiningá.
Pansamantagal na Laban
Ako ngayo'y nag-iisa – JK Labajo
Nagsama-sama ang mga magigiting
Na pamilyang nagmanikluhod sa kawalan,
Mga nanindigan laban sa mga pagkawala,
At iniwala. Mayroon tayong panalo ngayon!

Tumuntong sa entablado si Ate Baby,
Hawak-hawak ang mikropono.
Imbis na magbigay ng ilang salita,
Kanta ang kaniyang inialay sa madla.

(Sa ilalim ng puting ilaw)
Nang dumanak ang pulang likido
(Pakinggan mo ang aking sigaw)
Waring malalagutan rin ng hininga.

(Ayokong mabuhay nang malungkot)
Komunidad na ang nagpapasaya
'Pagkat ang laban ay hanggang sa pagtanda
Halina't tayo'y saglit na huminga.

(Sa ilalim ng puting ilaw)
Sa likod ng rehas
(Pakinggan mo ang aking sigaw)
Sa tuwang dulot ng pagkaka-aresto Niya.

Pansamantalang kakalimutan
ang sapilitang pagpasok
sa kanilang bahay, ang mga baril
na tinutok at gantilyong
paulit-ulit kinalabit, ang ipinagkait
na sertipiko ng kamatayan,
at mataimtim na pagluluksa.

(Ang tibok ng puso'y)
Panay hiyawan ng mga nagdiriwang
(Dinig sa kalawakan)
Ang sarap ng serbesa ngayong gabi!

Pansamantalang kakalimutan
sa pansamantagal na laban.
Ketsana
Dalawang taong
kausap sa phone,
naghihintay
sa endo.

Pauwi na si ate.

Apat na oras
bumiyahe pa-airport,
sabik sa halik
at pasalubong.

Andito na raw si ate.

Sampung oras
umistambay
sa sasakyan.
Nagdarasal.

Sumalubong rin si Ketsana.

Kasalo sa tsokolate,
Kachismisan sa balita,
Kayapos sa lamig.

Bakit ngayon ka pa dumating?