Lee G. Sepe

Batch Aranya/2009
Mula sa Pasig City

Ang pagkahaling ni Lee Sepe sa pagsusulat ay nagsimula sa murang edad. Nakapaglathala na siya ng tatlong aklat at nakasali sa ilang antolohiya. Si Lee ay consultant sa isang ad agency at kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Madalas niyang sabihin na marahil siya ay papanaw habang sumusulat.

Inulan
Bumabalot nanaman sa mundo ang kurtinang pilak;
Mabangis, walang humpay, maging ang hangin ay nagugulat.
Ako ay napabulong sa sarili –

Kung sana ang ulan ay makapaghuhugas sa dinaranas na kasamaan,
Kung ang maligo sa bumubulusok na mga patak nito, hapdi sa kaluluwa'y maiibsan;
Kung ang mga nagliliparang ambon ay makabubura ng lahat ng bakas sa pagod na mga mukha,
Kung ang baho ng mga sunog na kunsiyensya ay kayang hilahin pailalim ng baha;

Kung kaya ng maabong ulap na himuking magpakitang gilas ang araw,
Kung madadagit lamang ng hangin ang karamdaman at kamatayan na may mga titig-halimaw;

Subalit lahat ay nagmistulang lumpo.

Kaya't aking hinanap ang tanging sa labi ay mamumutawi lamang ang "Mamayapa!"
At pinili Niyang mapahinahon ang unos sa aking diwa.
Manghahabi
Alinsabay sa kanyang pagdighay
Humabi si Lola Kiray –

Pinangiti ang lila,
Pinag-init ang pula,
Pinasipol ang bughaw,
Pinatingkad ang dilaw!
Puti’y isinaling taimtim,
Itim ay pinagkasinsin.
Pinadapong berdeng anghel
Akay-akay ang kahel.

At sa marikit na tagumpay
Mga apo ay nagsihimlay.
Sa Kabukiran
Sa kabukiran
Hindi lamang gamu-gamo ang sumasayaw
Sa sarili nilang kanyaw;
Nagpapasikat ang mga ilaw
Na tumpukan namang dinadalaw
Ng mga nagliliparang anay.

Ngunit ang mga kuliglig ay may sariling tinig,
Nilalabanan ang biolin na aking ibig.

At ano naman itong umuugong –
Animo’y bajo na hindi uurong,
Diyata’t ang mga palaka
Hindi lamang kokak ang salita!

Sa darating ang ulan na bumubuhos,
Dagdag sa kasiyahang hindi natatapos.

Subalit may asong umungol…
Senyales ng pighati;
Kasabihan ay may malapit nang iburol,
Dulot sa puso ay hapdi.

Paulit-ulit, gabi-gabi,
Paulit-ulit hanggang mamukaw ang araw,
At tayo ay matuto sa mga galawan
Sa kabukiran.