
Mark P. Bonabon
Batch Zoombies/2020
Mula sa Biri, Hilagang Samar
Si Mark Bonabon ay paragsiday (makata sa wikang Waray / Lineyte-Samarnon) at cultural educator mula sa Biri, Hilagang Samar.
.
Soneto ni Carolina1 Para sa mga Nawawala at Nawawalan
Kung natulog ka sa kalam at nagising sa pantasya
Ng takam sa mga hain sa maringal na bulwagan;
Kung naglaway ka’t natikman yaong itim na gayuma,
Sa siyudad ng Biringan ganap ka nang mananahan.
Kung makita ng kaanak sa papag ang iyong lawas
Na malamig, naninigas, tinakasan na ng kalag,
Ipagpapalagay nilang sa bangungot ka natodas,
Ngunit ang katotohanan, sa Biringan ka napadpad.
Mapalad ka ngang talaga, ‘di na magugutom dito.
‘Di tulad sa mundo ninyong ilan lang ang nabubundat,
At ang mga nawawala’y mga desaparasidong
Tinatakam, ginugutom ng haing hustisyang salat.
‘Di lahat ng nawawala ay totoong namamatay,
Mayro’ng piniling mawala nang magpatuloy na buháy.
1Si Carolina ang pinaniniwalaang Reyna ng Biringan City, isang engkantadong siyudad sa Samar
Amorseco
Bukás-bisig nang sinasalubong ng guhit-tagpuan
Ang mamula-mulang adlaw,
Subalit may kung anong bigat na pasan-pasan pa rin
Ang aking mga balikat
Na hindi matukoy-matukoy ng aparato ng doktor
Kung ano ba ang hinungdan.
Habang binabagtas ko ang bírik at tarík ng dálan
Tungo sa payág ng tambálang si Mana Lita,
Pinupupog ng mga harok ng amorseco
Ang aking pantalo’t laylayan ng t-shirt.
Tiyak na kung umuwi ako nang ganito noo’y
Palò ng walis o luhod sa asin ang aabutin,
Dahil aabutin na naman si Nanay ng alas-dose sa paglalaba
Sa sapàng ang hishis at haginghing ng tubig
Ay bumubulwak ngayon sa aking pandinig—
Tila tinis ng kaniyang tinig kung nahuhulí ako ng uwi.
Tumigil ako sandali sa may lilim ng talisay
Upang isa-isang tanggalin ang mga amorseco.
Nang matanggal na ang tanan ay ganap nang nagpayakap
Ang adlaw sa bisig ng guhit-tagpuan,
At may kung anong himalang nagtanggal
Sa bigat sa aking mga balikat.
Nang Nahawa ng Vayrus ang mga Salita
kumislot silang parang mga uod sa loob ng utak,
kinain ang katinuan ni Kalak,
at pinilit-pilipit ang kanilang paglabas
hanggang ang durang lason
ay dumantay sa dagway ni Kabai.
Namalisbis sa dibdib ang kamandag
na sinuso ng walang-muwang si Pandagwan,
at bumundat sa mga salitang
uod sa kaniyang utak
na naging kuyog ng mga ahas.
Buong araw, buong gabing sumitsit
ang mga serpiyenteng serebral
at ninakawan siya ng idlip.
Parang bibiyakin ang kaniyang bungo,
at sasabog ang kaniyang ulo.
Kaya, lumabas siya isang gabi
at sa sanga ng puno tinali
ang kaniyang mga alalahanin
at aba, agad-agad, mula sa kanyang bukang bibig
sumambulat ang naglilingkis na mga pulong—
taksil, lapastangan, mamamatay—
at gumapang ang mga ito,
tinungo ang bawat sulok at siwang.
Inaabangan ngayon ng mga dilang sungay
ang bawat sumpang supling ni Kalak at Kabai.
