
Marlon E. Figueroa
Batch Zoombies/2020
Mula sa Jubail, Saudi Arabia/Tanza, Cavite
Isinilang noong 1973 sa Tanza, Cavite, nagmamahal sa wika at katutubong kultura ng Filipinas. Makatang-OFW sa Saudi Arabia.
Napilay ang Pulubi
Doon po sa amin maraming pulubi,
May isang nangakong magbibigay buti:
Droga’y tatapusin, kurap iwawaksi,
Pagbabagong tunay, kanyang pagsisilbi.
May anim na taon itong nakaraan
Dumagsa ang trapo pati ang suhulán
Bála ang panghatol sa mapagbintangan
At kung walang lakas ay nasa kulungan,
Pilit binusalan kalayaang angkin
Pati ang hustisya’y inalsan ng piring,
Sa pangakong langit salot ang dumating
Ang kawawang bayan sa utang nalibing.
Ngayon po sa amin pataya’y dumami,
Bulag sa koraps'yon, sa droga’y napipi.
Nangakong inutil tuluyang nabingi
At hindi marinig pilay na pulubi.
Ang Kababayan Ko
Ang kababayan ko’y pumunta sa abroad
Dahil sa gobyernong sistema’y baluktot;
Sa ibayong dagat, dusa’t nababagot,
Ang kababayan ko’y totoong nalungkot.
Ako naman itong andito rin ngayon
Nadaráng sa hirap humanap ng kanlong;
Ang natagpuan ko’y bukas na ataul,
Sa pangungulila ay parang kumunoy.
Hanggang isang araw sa aking panimdim
Ay natanto nitong pusong dumadaing
Ang bayan ko pala ay para ding sikil
Kapag mamamaya’y api’t sinisiil.
Kayod lang kasama, aking kababayan,
Kahit saang dako, iyong kapalaran;
Kung tayo’y umuwing lagot na ang buhay,
May sariling lupa na paglilibingan.
Sige, sikap tayo, mga pagod natin
At lahat ng hirap, ay dapat tapusin.
Kung bakit dayuha’t alilang ituring,
Nasa ating bayan ang umaalipin!
(Halaw sa: “Ang Tamuneneng ko”)
Balagtasan:
Sino ang dapat humawak ng pera, ang lalaki ba? O ang babae?
(Pagsasadula: Nag-aagawan at nagtatalo ang lalaki at babae kung sino ang hahawak ng pera. Papasok ang lakandiwa at papagitna, sabay agaw sa pera at sasabihing, "bakit hindi n'yo na lang daanin sa balagtasan ang inyong pagtatalo?")
Lakandiwa:
Bilang isang lakandiwa nitong ating balagtasan
Bumabati ng malugod ang aba n’yong kaibigan
Maglilingkod na matapat nawa’y inyong magustuhan
Sa (Rizal) po ay nagmula, ang bayan po ay (Montalban)
Ang madalas pagtaluhan sa alitang mag-asawa
Ay kung sino ang kaylangang maghahawak nitong pera
Ang dapat ba ay lalaki, dahil siyang kumikita
Baka naman si babaeng, nag-aruga sa pamilya
Magtatanggol ng babae, ang katulad ay si Eva
Sa (Quezon) po isinilang sa katwiran ay kilala.
Pagpapakilala:
Babae:
Taimtim pong nagpupugay sa inyo po’y maglilingkod
Lalo na po sa babaeng sa salapi'y masisinop
Ako sana ay pagbigyan pampalakas n'yaring loob
Ang mainit na sigawan nawa'''y inyong maihandog.
Lakandiwa:
Ang kakampi ng lalaki ay makata ng (Laguna)
Adan siyang magtatanggol sa debate ay kilala.
Lalaki:
Tanggapin po ang pagbati nitong tapat na kaharap
Handa ko pong ipagtanggol ang lalaking masisipag
Hindi ko na alintana kahit ito ay mahirap
Basta't aking naririnig ang malakas na palakpak.
Lakandiwa:
Ang maunang magtatanggol, hinihiling ay sigawan
Ang masinop na babaeng paraiso ang tahanan
Agad namang sasagutin na ang gusto’y palakpakan
Ang magiting na lalaking harding eden pinagmulan.
Unang Sagutan:
Babae:
Kami dapat ang humawak ng salapi sa tahanan
Dahil kayo, na lalaki'y, wala namang nalalaman
Kung paanong ginugugol ang gastusin araw-araw
Tinitipid naming lahat huwag lamang paghanapan.
Lalaki:
Mas mainam na lalaki ang maghawak ng salapi
Para aming nalalaman kung sa'n ito nauuwi
Kung talagang nauubos sa tama ba, o sa mali
At pagdating na ng sahod, di sa utang nakatali.
Babae:
Noong kayo ay sumumpa, agad mo bang nalilimot
Sa dambana ay sinabing sa asawa’y maglilingkod
At may aras na simbolong ibibigay ang inimpok
Bakit ngayong nagsama na’y nakalihim pati sahod?
Lalaki:
Oo, kami ay nangakong kayo’y aming mamahalin
At ang lahat ibibigay kahit buong buhay namin
Ngunit bakit ang wika mo ang sahod ko'y inilihim
Hindi nga ba kada buwan, nauubos sa bayarin.
Lakandiwa:
Ako muna ay aawat sa masidhing pagtatalo
Dahil parang nagbabaga, itong buong entablado:
Ang lalaki’y nagtatago ng kaniyang sinus’weldo
Samantalang ang babae’y inuubos sa kapritso.
Ikalawang sagutan:
Lalaki:
Paano bang di gagawing itago ko ang kinita
Dahil ubos na palagi sa pagiging gastadora
Paano bang kami’y hindi sa gastusi’y mangangamba
Kung si misis ay naadik, on-line Shopee at Lazada.
Babae:
Aba! aba! ano’t ika’y, basta na lang nagbibintang
Palibhasa’y lagi kayong umaalis ng tahanan
At hindi n’yo iniisip ang bayaring nakalaan
Kaya ganyang magsalita kami'y labis paratangan.
Lalaki:
Hoy, hoy, baka akala mo, na di sa 'kin nakarating
May ”Marites!” na nagsabi sa kanila ay nanggaling
Pagtulong n’yo sa kaanak, ay lagi n'yong 'nililihim
Dahil takot na malaman pagbibigay ay mabuking.
Babae:
Bakit ikaw kung magbintang ay kami lang nagbibigay
Huwag ka nang magmalinis, meron ka ring pinadalhan
At kung bakit nakarating, paano ko nalalaman?
Sa barkadang mga “Tolits”! akala mo’y kaibigan.
Lakandiwa:
Teka, teka muna kayo, ang mabuti'y mapigilan
Ang sumbatan at debateng wala namang hahantungan
Dahil baka maghalo pa, ang balat sa tinalupan
Kaya ating tatapusin, itong ating balagtasan.
Bago tayo ay magtapos inyo munang ipahayag
Kung sino po sa dalawa ang nagsabi ng matapat
Ito’y ating dadaanin sa malakas na palakpak:
Ang masinop na babae? – O lalaking masisipag?
Pangwakas:
Lakandiwa:
Matapos po na marinig itong ating palakpakan,
Sana’y naging pagtuturo ang ginawang balagtasan
Ngunit lalong mahalaga’y huwag nating kalimutan,
Maubos na ang salapi huwag lamang pagmamahal.
Dahil ako'y lakandiwang, namagita’t nanghimasok
Ang panig ko’y ihahayag bilang hatol pagtatapos,
Sa paghawak ng salapi mawawala itong gusot,
Pag lalaki’y naging tapat! - at babae’y di magastos!
