
Marvin V. Dominguez
Batch Duende/2024
Mula sa Marikina City
Guro sa isang publikong paaralan sa Lungsod Marikina. Nagtuturo ng Filipino at Panitikan ng Filipinas sa junior high school. Nagsisilbi din bilang tagapagtatag at tagapayo ng mga samahang pangmag-aaral sa wika, kultura, panitikan, at peryodismo. Isang masugid na tagasubaybay at mambabasa ng kasaysayan, panitikan, at kultura ng bansa.
REFUGEE OLYMPIC TEAM SA OPENING, PARIS 2024 OLYMPICS
Bagamundong suling-suling, naghahanáp
ng himpilan samantalang nagdadamág
ang paglagim sa bayan na nasasadlák
sa digmaang ano’t bakit nagaganáp.
Katulad ko siláng waláy—di maangkín
ang hiyawan, mga kaway, at pag-alíw
nilang naro’n―ang mithiing mataimtím:
karangalan, ginto, pilak, at tagintíng.
Ngunit ano! Papaanong mag-aálab
ang lunggating iwagayway ang watáwat?
Saan alay itong aming pagsisíkap?
Sa lupain na malayo sa hinágap?
Mámamayáng nawaglit nga’t walang báyan.
Ang bandila’y walang tanda, walang kúlay
kundi puting ang sagisag: Kalayaan
sa anumang pagkakait, pang-aágaw.
Lagalag man, tatag nami’y laging bitbít
at sa mata nitong mundo’y nakatindíg.
Sa ’ming puso’y isang awit ang pumintíg:
“Ito kami, mamamayan ng daigdíg!”
SALAMYAAN
“(B)ilang talastasang maka-Bayan, isang mahalagang lunan ang salamyaan ng mga usapang may kinalaman sa bayan–mula sa pabirong pangungumusta sa kapwa hanggang sa mainitang talakayan… nasa salamyaan ang mga kuwento/puna/mungkahi ng mga mamamayan sa ikabubuti ng kanilang sarili, kapwa, at bayan. Isa itong espasyo ng pag-uugat sa nakaraang karanasan upang bigyang-pansin ang kasalukuyan at ang hinaharap.”
- Jayson D. Petras, “Bayan at Pagkabayan
sa Salamyaan,” Dalumat Ejournal, Vol. 1, No. 2, 2010
Hinirang ka noong banal na tipánan
ng aming ugnayan, pag-uusap-úsap.
Palagi kang piging at handang lamyáan,
himpilan ka namin sa maghapong síkap.
Matatag kang moóg, malingap na sílong
sa sandali naming maulan ang ísip.
Ang sabi ng Ingkong, bigkis ka ng náyon,
kaya’t nagkaisa aming panagínip.
Naging lungsod kami, piging mo’y tinápos
ng modernong píta at tayo’y nahápay
sa tuós ng bahâ. Tangáyin ng ágos
tuwing may daluyong ng sakim at láyaw.
Hanap namin ngayo’y muli mong imbitá:
sumilong, dumamay, muling magkaisá.
PAGKATAPOS NG UNOS
“Risks do not operate in isolation, but multiple risks from multiple causes, in multiple forms, and multiple scales occur in quick succession or may happen even simultaneously. The cost of vulnerability is high, resulting in losses of lives and damage to properties.”
- R. Solidum, Jr. & F. De La Peña, mula sa “Surprise is the New Normal,” Science for Resilience (DOST, 2022)
Kay raming sorpresa sa katatagan ng Pinoy,
Halimbawa: Ano naman kung may unos?
Bagyo ka lang, Pinoy kami! sa umagang limás
Ang inimpok na kadahupan sa umagang kinubkob ng putik.
Buong araw na mangingilin dahil walang pagkaing naihanda.
E, ilang linggong, dahil sa bagyo, tunganga.
Dios mio! Taon-taon na tayong ganito, mayroon ba pang dapat ikagulat?
Anong bago sa bahang lampas-tao na agad wala pang isang oras?
Sa pananampalataya, maililipat din ang gabundok na basurang ito
Sa kung saang hindi namin makikita pagkatapos ng bagyo.
Alam na namin ang kasunod nito.
Dúmog sa isang trak ng ayudang pamatid-gutom:
mineral, biskuwit, kape, de-lata, at sabon.
Ang bago lang yata ngayong mag-eeleksiyon,
Door-to-door ang bigayan, ang naghatid pa’y si Kong at si Meyor.
