
Mia Jalandoni Sumulong
Batch Ovo | Zen (2016)
Mula sa Antipolo, Rizal / Jaro, Iloilo
Si Mia Jalandoni Sumulong ay ipinanganak sa Jaro, Iloilo at lumaki sa Antipolo, Rizal.
.
Baler
Gumapang ang sikat ng araw sa himpapawid ng Aurora.
Kinapa ng hubad nating paa ang buhangin sa dalampasigang
padampi-damping hinalikan ng mga alon. Nagayuma
tayo sa simoy ng tubig-alat na inilakbay pa ng amihan
mula sa Dagat Pasipiko. Nabighani tayo sa ulap
sa ibabaw ng Sierra Madreng napalamutian ng sapirong
ilog, esmeraldang pananim, rubing bulaklak. Ilang perlas,
bula, korales, kaliskis kaya ang kinaylangan ng paraisong
‘to para maakit ang mga braso’t binti nating lumusong
sa mahikal ngunit mapanganib na agos ng daigdig? Kinupkop
tayo nitong bayan sa baybay matapos tayong magpaligoy-
ligoy sa hila’t tulak ng mundo. Sinayawan natin ang tumibok
na puso ng karagatan habang paduyan nating kinaskas
ang mga surfboard natin patungo sa kalayaan nating hinangad.
Iloilo
Linamnam ng yamang-dagat ang bumusog sa bawat tahanan;
puno ang sikmura magmula umaga hanggang takipsilim.
Iloilo, Panay ang mapag-arugang isla sa kanluran.
Habang nakakalat ang mga talukab sa dalampasigan,
bilad sa arawan ang pinatuyuang pusit, silag, daing.
Linamnam ng yamang-dagat ang bumusog sa bawat tahanan.
Merong molo, batchoy, binakol sa hapag: mainit na ulam,
na sabaw sa tuwing bumugso ang ulan, kidlat, kulog, hangin.
Iloilo, Panay ang mapag-arugang isla sa kanluran.
Ilang bote ng gin, rum ang nasa tabi ng handang inihaw
na rilyeno, wasay-wasay, alimasag, aligue na kanin.
Linamnam ng yamang-dagat ang bumusog sa bawat tahanan.
Mangga ng Guimaras, puto, yema, ibos na merong asukal
ang kinailangang banlawan para di mangilo ang ngipin.
Iloilo, Panay ang mapag-arugang isla sa kanluran.
Niyakap ng sinag ng langit ang bukid ng Antique, palay
ng Balasan, lambat ng Estancia kada araw na gumising.
Linamnam ng yamang-dagat ang bumusog sa bawat tahanan—
Iloilo, Panay ang mapag-arugang isla sa kanluran.
Antipolo
Isa kang higanteng palaruan sa tuktok, paanan ng burol. Araw-araw kang naghain
ng ligaya, tuwa para sa mga anak mo. Bago sila magsipasok sa esk’wela, kanya-kanya
muna sila ng kalampag ng skateboard, rollerblades, BMX sa parke mong nakapangalan
kay Don Juan. Nagkaskasan ang mga gulong sa mga riles mong sinadsaran nila,
sa mga pasulong mong sahig na nirampahan nila, sa mga patag mong lapag na sumalo
ng bawat wheelie, ollie, kickflip, nose grind, at kung ano-ano pa. Inantay ng mga kart mo
ng fishball, siomai, gulaman ang mga gutom nang binata’t dalaga bago sila mag-katedral.
Ilang kilometro naman mula sa bayan, nagsiharurot ang mga longboarder
pababa ng kalsada mo malapit sa Hinulugang Taktak—bitukang manok
ang kanilang patakbo. Katakot-takot ang pasilakbong hampas ng hangin
sa kanilang pisngi, katawan, pagkatao habang lakas-loob nilang nilandas
ang tila di nila malapagang dulo ng ruta mong minsang di matapos ng ilang
pasadsad na tumilapon sa aspalto, barikada, talahiban nang nakaabang na
sa puwedeng tamuhing gasgas, galos, pilay, trahedya, kapahamakan.
Sa bakanteng lote naman katabi ng University of Rizal System, nagliparan
ang mga dirt bike na motor sa ibabaw ng obstacle course mo—nag-angatan
ang pula mong alikabok na nagmistulang hamog sa ere, na napasayaw din
sa hawi ng manibela’t gulong saka kadyot ng preno’t gasolina. Nagsagutan
ang mga tambucho’t makina, umalingawngaw sa gitna ng mga mahogany’t
eugenia mong nakahilera sa gilid ng pader: ang nagbigay-lilim sa mga buwis-
buhay na rider pag oras nang magmerienda ng kasoy, suman, dyus na mangga.
Sa mga bangketa mo sa Sumulong Circle, nagtipon ang mga manonood pati
tagapusta sa gabi-gabing ginanap na karera ng traysikel. Nakalinya malapit
sa Ynares Center ang lahat ng kalahok. Niliwanagan sila ng mga ilaw mong
bumuhay sa mga mukha ng lahat ng nando’n habang nagsalpukan, nagsapawan
ang samot-saring genre ng kanta mula sa radyo ng mga kasali sa paligsahan.
Maalog, mabilis ang andar ng trike sa ibabaw ng suwabe pang semento.
Mapanganib kang klase ng palaruang nagpalaganap ng karinyo’t vida brutal.
