Natalie P. Labang

Batch Oy! / 2015
Mula sa Basud, Camarines Norte / Antipolo, Rizal

Tubong Camarines Norte si Natalie Pardo-Labang at kasalukuyang naninirahan sa Antipolo, Rizal. Nagtapos siya ng Communication Arts sa UP Los Baños, Bachelor of Law sa Philippine Law School, at Master in Public Management sa UP Open University. Kasalukuyang niya binubuno ang kursong Doctor of Communication sa UPOU. Kasapi si Nat ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo.

Casa Redonda
Saksi ang walong sulok
sa pagtanggal ng katarata
sa mata ng iyong ina
(ang pinakauna at matagumpay
na operasiyon sa mata),

sa mga pasasalamat
ng lahat ng taong
naibsan mo ang karamdaman.

sa pag-ambag
ng dunong at asal
sa iyong mga mag-aaral,

sa pagsiyasat
sa iba’t ibang organismo,
sa lumilipad na butiki,
salagubang, at palaka,

sa iyong mga naisulat at natuklasan.

Munti man itong kubol,
malawak ang karunungang
dito ay iyong pinaalingawngaw:
karunungang nagsulong at nagpalaya.

*Ang Casa Redonda ay isang munting kubol na nagsilbing klinika ni Rizal sa Dapitan at espasyo para sa kaniyang agham, sining, at pagtuturo. Ito ay may walong sulok.

Add to cart
Monthly sale abang-abang.
Pag-scroll scroll, tamang libang.
Pagbili ay biglaan,
Kahit ‘di kailangan.

*Nailathala sa Lila 2: Mga Tula