
Nikóy Cornel
Batch Lúsong/2025
Mula sa Taytay, Rizal
Mag-aaral sa kasalukuyan si Nikóy Cornel ng Pamantasang Ateneo de Manila. Nasa ikatlong taon na siya ng kaniyang pag-aaral sa programang AB Interdisciplinary Studies na may pokus sa pilosopiya at antropolohiya. Kumukuha rin siya ngayon ng Menor sa Panitikang Filipino. Nailathala na ang kaniyang mga akda sa lathalaáng Ateneo HEIGHTS, kung saan kasapi rin siya nito bilang taga-deliberate, at kalalathala niya lang din sa Liwayway.
Papaya
Kumain tayo noon ng papaya;
pang-unang beses mong
dumampi sa ’yong labì ang halos
namumula’t malambot na lamán
nitong bunga.
Itinuro ko rin sa ’yong mas lalong
tumatamis at lumalambot
ang lamán
ng papaya pag nilagyan mo ito
ng evaporada.
At kaytamis nating dalawang
nagsálo, nagalak
sa iisang mangkok ng papayang may evap
habang katá ang naiwan lámang
sa may hapag-kainan.
Palútang-lútang
Dahil wala pang GPS, ni koryente, ni mapa
noon, ginamit ng mga ninuno natin
ang kalawakan
upang lakbayín ang
sangkawalan ng Pasipikong
eratiko ang tubig at hanging pinag-
lulutángan nila sa awa ng katiting na
banaag ng buwan at sangkataláan
—nilupig nila ang halos 169 millones
de kilómetros cuadrados de cerca
de vacío gámit lámang ang
kanilang mga matang kay-
talik
na nakatulala—tulad ko
ngayon—doon sa buwan
at sa mga talàng kumikislap—ang iyong
mga mata—na nakatanaw
din pabalik sa kanila—sa akin ka lang
din nakatanaw—
nagsasabing
ti͠ngnan mo láma͠ng acó,t,
lágui͠ng ysapusò mo,
na͠ng quitá,i, magábayán
sa iyó͠ng paglálacbái.
Confesión de Hereje
Patungo sa Diyos ang lahat ng pananampalataya…
para silang iba-ibang wika na ipinapahayag ang kabanalan.
Ngunit para sa lahat ang Diyos, kayâ anak Niya táyong lahat.
- Papa Francisco, Interreligious meeting with young people
(13 Setyembre 2024)
I. Tulala sa kulatad
Секогаш возвишени се
во небески висини,
како дрвјата без лисја
и со бледи ликови.
- Mga Monghe ng Monasteryo ng Sagrada Bigorski,
Среде пустинската убост
Masisipat lámang ang banaag
kung tanto ko nga ang dilim
—ang titig ko’y naroon lámang
sa sangkawalan ng kalawakan,
hinihintay na ang mga bitui’y
kumislap at palapitin ako
sa langit…
talî ang aking mga paa
sa tuyông buhanginan,
at binabasag
ng mga laksâ-laksâng alabok
ang aking kutis. Madilim
ang daigdig, ang disyerto
—at tanging ako
lámang ang pílit na tumatayô
palangit.
II. Tikóm-bibig
Aἴνεσιν κυρίου λαλήσει τὸ στόμα μου
καὶ εὐλογείτω πᾶσα σὰρξ
τὸ ὄνομα τὸ ἅγιον αὐτοῦ εἰς τὸν αἰῶνα
καὶ εἰς τὸν αἰῶνα τοῦ αἰῶνος
- Ψαλμοί 145:21, Bibliyang Septuagint (LXX)
Kung paano nakatalì ang aking mga paa,
isinasangga ng aking mga bisig ang ragasa ng alabok
sa aking mukha. Anumang dalangin sa kalawaka’y
nilunod na. Walang magagawa ang langit sa aking
dalita. Pílit nanginginig ang aking sikmura’t bisig.
Ngala-ngala’y nangangalay sa kakatiim.
Namumulá’t namamaltos na ang yapak ko. Ngunit
mananatiling madilim ang langit. Mananatiling
tahimik ang mga bituin.
III. Mga dalangin sa wala
Exsurge, Deus, judica causam tuam;
memor esto improperiorum tuorum,
eorum quae ab insipiente sunt tota die.
- Psalmi 73:22, Bibliyang Sagrada Vulgata
Lalamunin ako ng daigdig
hanggang kahit ang mga buto ko’y
makipag-isang-katawan sa buhangin.
Di iimik ang langit.
Di kikislap ang mga bituin.
Sa aking pagpikit, doon
—doon ko makikita ang liwanag,
ang kislap ng kidlat sa aking katawan.
Sa aking paghimbing, doon
—doon ko maririnig ang huni,
ang dagundong ng kulog sa aking isip.
