Paul Alcoseba Castillo

Batch Salamisim/2011
Mula sa Antipolo

Si Paul Alcoseba Castillo ay nagtuturo ng Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Santo Tomas. Resident fellow siya ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Kinilala na ang mga tula niya sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (2018), Makata ng Taon: Talaang Ginto (2017, 2018), at Maningning Miclat Poetry Awards (2013).  Siya ang awtor ng Walang Iisang Salita na nagwagi sa National Book Awards noong 2019 at ang Lunas Sa Nabubuong Lubos na parehong inilathala ng UST Publishing House.

Sa Pagwawakas ng Pag-iisa
Sa pagwawakas ng pag-iisang 
dibdib natin, tinanggap ko

ang pagsumpa mo ng hirap 
at ginhawa nang isinuot mo 

sa aking daliri ang walang hanggan. 
Habang kanina lamang, ako 

ang sumumpa ng tapat 
na pag-ibig sa iyo, ipinasakamay 

ang bigat ng bigay 
na salita na tangan natin 

sa magkadaop na palad,
sa mabagal nating paglakad 

sa namumulang gayak nitong pasilyo.

(Kabilang sa koleksiyong Walang Iisang Salita, UST Publishing House, 2018)

Paracetamol
Ingat, bilin ng aktor habang kunwari 
Isusubo ang hindi nakikitang gamot 
 
Sabay papalatak. Kung ganoon kabilis 
Ang bisa laban sa sakit ng ulo  
 
Sa magdamag na pag-aabang  
Kung darating sa bahay ang anak. 
 
Kung patutunugin ang dila’t ngalangala, 
Mababawasan ba ang konsumisyon ng magulang 
 
Tuwing lalabas ang supling?  
Ingat pa rin ang tanging ibibilin 
 
Kahit dis-oras ng gabi, kahit araw- 
Araw ang panenermong hindi na 
 
Ligtas ang pag-inom sa labas. 
At uma-umaga, idinaraing 
 
Na masakit ang kaniyang tuktok o sumusuray 
Ang buong paligid. 
 
Iyan ang napapala ng pagsuway 
Sa magulang. Kaya kahit wala pang laman 
 
Ang sikmura, hinahayaan siyang uminom agad— 
Dapat ulitin, para mawala ang hang over, isinasagot niya 
 
Upang muling makalayas. Walang katiyakan 
Kung paano siyang uuwi 
 
Ngayon pang manhid na pagkatapos 
Tamaan ng punglo ang ulo.

(Kabilang sa koleksiyong Lunas Sa Nabubuong Lubos, UST Publishing House, 2021)

Para Nang Sa Langit
Paano kung nakatingala ang langit
Sa atin ang mga talang nagkalat

Na parang nasa langit na
Ang namamatay-sinding mga ilaw

Sa sandaling landasin ng dilim
Ang daigdig na ang didinig sa mga daíng

Kahit ang mga dasal dito napatapon na
Lamang sa langit na nasa ating lilim

(Kabilang sa chapbook na Mga Kuwadro, Aklat Ulagad, 2023)