
R.B. Abiva
Batch Dinig/2021
Mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija
Pultaym na guro ng Agham Panlipunan, Filipino, Malikhaing Pagsulat, at Panitikan sa Manuel V. Gallego Foundation Colleges si R.B. ABIVA. Awtor ng labing-apat na libro (14) ng mga tula, maikling kuwento, dagli, at nobela. Tumanggap ng fellowships: Palihang Rogelio Sicat, 2018; Cordillera Creative Writers Workshop, 2018; Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop, 2019; UP National Writers Workshop, 2019; Palihang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, 2021; at Luntiang Palihan, 2022.
Ang Hangal sa Ilalim ng Balon
Pagkaraan ng Ivanovo Detstvo (Ivan’s Childhood), 1962

Nitong mga nagdaang araw at buwan
ay wala akong ibang narinig
kundi ang awit at balada ng mga bakal na orador:
pawa rin silang mga makata ng huling panahon.
Sabi ng mga paham ay may dugo silang bayani:
nakasakay, kung hindi sa T-34,
ay sa likod ng matitikas at mapuputing
kabayo ng Siberia, Ural, at Balkan.
Pero, batid kong balisa sila sapagkat likas
na malupit ang lagay ng buhay
at ang paparating na bagong-buhay.
Kaya, minarapat kong manatili na lamang
sa ilalim ng lupa, mula nang aksidente akong malaglag,
kung saan ay tanaw ko ang langit at ibabaw ng mundo
na hindi bilog: taliwas sa ipinangangalandakan nina Copernicus,
Newton, at Mach. Tiniis ko ang pagsasalimbayan ng mga sumasabog
na bala ng kanyon sa sangkatauhan, na pawang lango sa vodka;
pinilit kong isinungalngal ito sa aking kinakabahang puso at itinakdang
kaniya itong sariling mga tibok, o dili kaya’y mga pitik ng aking sentido,
sa gilid ng aking napakalayang utak!
Isang araw ay narinig ko ang alingasngas, na paglao’y karipas,
ng mga lumilipad na halimaw, may marka ng swastika,
at mga hiyaw sa panganoring dati’y sagana
sa ginintuang trigo at nakawalang kawan ng lobo, tupa’t baka.
Kalaban! Nagtakbuhan ang mga botang gawa sa balat
ng hayop; kumalansing ang mga nag-umpugang insigniya
sa kanilang dibdib: kling! Kling! Kling!
Pagkuwa’y katsak! Prak! Prak! Prak! Blam!
Pagkatapos ay tahimik na. Tama; tumahimik ang mundo sa aking ibabaw;
at naamoy ko sa nagniniyebeng hangin ang samyo
ng mga bagong punit na laman at mga bagong pigtas na ugat:
ilang mata, dila, bituka, apdo, atay, at bungo kaya ang sumambulat?
Hinaplos ko ang balat ng magkakapatong na kahoy
na sa aki’y nakapalibot: inisip kong sila’y ang mga bangkay sa aking itaas.
Nasundot ko ang magaspang at pudpod nitong bahagi.
Inilapit ko ang aking mata sa kakarampot na hibla ng liwanag
na sa kaniya’y nakadapo: ilang buwan, malamang ay taon, na palang
ang bumubuhay sa akin ay ang pagngata sa kaniya’t pagdila at pagsubo
sa yelo hanggang sa ito’y maging tubig. Minsa’y sumilip nga ang Diyos,
pero literal na napakalayo niya; malamang ay iniiwasan
niya ang nagaganap na salpukan, at malamang sa malamang
ay ayaw din niyang mabahiran ng dugo ang kaniyang banal na kamay:
lumipas pa ang maraming sandali, at umalingawngaw ang Internationale
mula sa bunganga ng mga trompa ng Stalingrad;
sabi’y nagwakas
na raw ang digmaan:
aywan at ang aking bayag
ay biglang bumara sa aking lalamunan.
Oda ng Uod
Kung wala ako’y malamang isa nang patay na bukid
O isang nangangarilang na dahon itong daigdig,
Sapagkat kaya kong gawin ang isang bangkay na bukal
Di ng tangis kundi walang pagka-agnas na pag-ibig.
Gulag
“…Or maybe it was solitary in Archangel prison, where the glass had been smeared over with red lead so that the only rays of God’s maimed light which crept into you were crimson, and where a 15-watt bulb burned constantly in the ceiling, day and night.”
Alexander Solzhenitsyn,
The Gulag Archipelago (First Cell, First Love), 1973
Gutom ang Tokarev. Bala’y ipinasok.
Binuo ang pila, pagkuwa’y natungkab
ang bungo sa utak. At iba ang talab,
“Ay si Mayakovsky, nagbigti sa sulok!”
Ang niyebe’t poste’y biglang may talulot.
’To ba’y pinayagan ng Diyos na maganap?
Sa kanyang likuran, dugo ay bumulwak;
“Si Isaac Babel ay ipinambakod!”
Minsan nga’y sumilip ang hari ng bantay
anaki’y napipi ang buong daigdig
nang siya’y nagsindi sa gitna ng dilim.
“Siya’y taong-lobo, KGB at taglay
ang Mosing may mata!” Bukas, lalagitik
ang mga katawan: kami’y ililibing.
