
Reparado B. Galos III
Batch Siglo/2006
Mula sa Quezon City
Si Repa o Atty. Repa ay nanalo sa Maningning Miclat Poetry taong 2015. Kasalukuyan siyang naninilbihan bilang abogado ng mga magsasaka sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan.
Sa Dalampasigan ng Maynila
Pagsapit ng takipsilim, saglit na sumasamba
Ang mga nilikha sa naghuhubad na birhen ng La Naval.
Nakahimpil ang lahat, habang isinasampay ng poon
Ang makislap na kapa at korona sa kalawakan.
Walang orasyong isinasambit habang mahinhing lumulublob
Ang nakasisilaw na balat sa maalat na batis.
Dito humahalo ang selestiyal na katawan sa daigdig.
Mula sa kanyang hulagway sa tubig, sumisirit ang silahis,
Dumadaloy patungo sa pangpang, gumagapang
Sa hanggahan, nagpapanggap na dagitab
Upang ilawan ang mga gusali at boulevard.
Pagsapit ng gabi, saglit na pumipikit
Ang mga nilikha sa nakahubad na birhen ng La Naval.
Umaahon ang poon mula sa kanyang pinagliguan,
Nagbabalat-kayo bilang isang batang ulila,
Umuuwi at sumisilong sa mga waiting shed ng Luneta;
Nagbabalat-kayo bilang isang bayaran,
Naghahagilap ng patron sa mga kanto ng Malate;
Nagbabalat-kayo bilang isang biktima ng holdaper;
Nanghihingi ng awa sa isang eskenita ng Ermita.
At sa pagsapit ng umaga, saglit na dumidilat
Ang mga nilikha sa hubad na katotohanan:
Bumabalik ang birhen ng La Naval sa kalangitan.
Patuloy na nagliliwanag, nagpapaliwanag
Ang Ina ng Lungsod,
Kahit paulit-ulit tayong di maliwanagan.
Sa Dalampasigan ng Boracay
Hindi naiiba ang paglalakad sa baybay nito
Sa pagtawid sa mga bituin at planetang nakasabit
Sa Milky Way.
Dito, nilulutang ang mga dayo ng mga naligaw at namahay
Na milyon-milyong estrelyang pinakawalan ng langit.
Patagong nangangaral kung paano pahahalagahan
Ang mga simpleng bagay.
Mga bagay katulad ng pagtigil saglit
Sa bulong ng hangin at sitsit ng alon
O ang pagmumuni sa paglunoy ng araw
Mula sa nagpapalit kulay na ulap.
Ngunit tayong mga bagong dayuhan
(Mga dayuhan din sila libong taon na ang nakalipas),
Hindi sapat para sa atin ang mga bagay na binuo
Dito sa kapiranggot na sansinukob.
Nangangarap tayong daigin ang mga nauna.
Tayong mga arkitekto at inhenyero
Ng sarili nating mga diyos.
Hinuhulma natin ang mga natatanaw ayon
Sa ating pagkaganid o pangangailangan.
At dahil di tayo naniniwala sa dikta
Ng bituin sa ating kapalaran,
Lumilikha tayo ng sarili nating konstelasyon
Sa labas man ng konkreto at bakal na gusali
O sa loob ng mga bubog at plastik
Ng LED at neonlights.
Tinuturing natin pag-aari ang lahat ng bagay
Na madatnan at matapakan.
Sumapit ang gabi sa lugar na ito
Sa ating pagdating.
Pinapatay ng ating sariling ingay ang piging
Ng mga nagsasayawang dahon at kuliglig.
Pinapatay ng ating sariling liwanag
Ang mga matatanda’t uugod-ugod na kislap.
Patuloy na nauubos ang mga bituin langit,
Nahuhulog ngunit nangingilag na dumapo
Sa pulong ito.
Silang mga nagsisiksikan sa anino ng karagatan,
Silang mga matang nakatitig sa atin,
Silang mga kumikinang dahil sa nangingilid nilang luha,
Habang nangangarap at naghihintay sa ating pag-alis.
Sa Dalampasigan ng General Santos City
(Pasintabi kay Neruda at sa mga tuna ng GenSan)
Narito sa aking harapan
Ang mga nakaratay
Na mandirigma
Ng dagat.
Mga bayani
Ng kanilang pinagmulan
At kasaysayan,
Walang oda na
Inialay
Para ipagbunyi
Ang kanilang pinagdaanan,
Walang bandilang ikinumot
Para parangalan
Ang kanilang ginampanan.
Nakatitig ang
Mapungay na palikpik,
Namumugtong pilat
Na pilít sa paghilom
Ng tubig-alat, mga
Naluluhang mata,
Tila ipinararanas
Ang nakaraang rebolusyon...
Sumisid
Sa masukal na asul
Na karimlan,
Mga ligaw na bala
Ng submarine.
Humahagibis
Pasulong,
Sumasagitsit
Palusong.
Sa bawat pagsalag,
Sa bawat pag-iwas
Sa sibat,
Sa bawat pagpiglas
Sa kawit,
Sa bawat pagsupil
Sa lubid,
Hanggang sa tuluyang
Masugpo
Ang pag-aaklas...
Umahon
Kasabay ng angkla
At mga sinawing palad.
Kasunod ang
Pagkilatis.
Tinitimbang
Ang mga kampeon
Bago itawid sa
Nagyeyelong lawa.
Malamig at duguan,
Naghihintay
Ang kabilang buhay
Sa hubad na laman
Habang ihinahanda
Sa bagong
Pakikidigma:
Ang mangibang bayan
Upang masagip
Ang ekonomiya
Ng bayan
Maging sashimi man
O naka-in can.
