Ronel I. Osias

Batch Dinig/2021
Mula sa Cainta, Rizal

Si Ronel Osias ay mula sa Rizal. Kasalukuyang guro, at academic head ng Departamento ng Filipino sa ICCT Colleges. Fellow at itinanghal na isa sa apat na Pinakamahuhusay na Manunula sa SPEAKS-Up! Spoken Word Poetry Workshop 2020 ng PETA Lingap Sining. Nailathala na ang ilan sa kaniyang mga akda sa Liwayway Magazine, Lagda (Journal ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas), Pitong Pantig, Pintig, at Pagitan ng NCCA, sa una, at ikalimang isyu ng Santelmo ng San Anselmo Publication, Inc. at sa antolohiyang “To Let The Light In” ng Sing Lit Station sa Singapore.

.

Unang Landi
Nahuli natin sa kusót 
Ng kumot ang mailap
Na gabi. Lambat na inihagis
Sa umaalon nating puso
Ang yakap. Naglalapat
Ang umaalat nating balat,
Kapwa nating kipkip
Ang madulas, malansang
Pag-ibig. Matapos ito,
Ang pagsisid sa lalim
At dibdib, lilisanin natin
Ang dagat nang walang
Lumilingon.
Ikalawang Landi
Kinain niya ang apoy
sa aking bibig. Napaso siya,
nahalata ko, pero hindi niya ininda
ang lapnos bagkus ay lalo
lamang siyang nagutom sa init
ng aking pagiging malaya.
Bukás
ang aking katawan sa
sandaling ito,
at naririto siya
sa bukana, hubad
sa pagdududa't takot na
matunaw.
Voyager 1
Hindi ka nilikha para bumalik 
Kung saan nagmula. Tadhana
Na tinipon ang iyong mga bahagi
Upang kalimutan ang kabuoang
Anyo. Sadyang walang sasagip
Sa patuloy mong pagkakahulog
sa dakilang kawalan. Limangpu’t limang
Lenggwahe ang nasa iyong bibig, at ito,
Dagundong ng mga nag-uumpugang kometa
Ang tanging paraan ng pakikipag-usap
Ng kalawakan. Dala mo man ang himig
ni Beethoven, hindi ka nito maililigtas
Sa alon ng plasmang
Sumasalanta sa iyong antena.
Inaangkin lamang ng tao ang iyong
Mga pandama, hindi sila ang tunay
Na nauna sa lahat. Tingnan mo,
Ang dambuhalang bagyo sa higanteng
Planetang nakatalanlan sa kosmiko,
Ang singsing ng mga hari,
Binabagtas mo ang hininga
Ng mga bituing panginoon sa hiling
Ng nakatatanaw nito mula sa daigdig.
Sinalansan mo sa radar ang matagal
Nang kinakapang kislap. Sila lamang
Ang nagbibigay ng ngalan
Sa nabibistay mong eherhiya’t imahe.
Sa ‘yo
Ang lahat nang ito, nakikidungaw
Lamang sila sa pag-iral mong hindi na
Maabot-tanaw kahit ng mga dasal.

Lalaya ka sa kamay ng pagtuklas
Sa panahong nililibot mo na
Ang katahimikan nang walang gasolina,
Sa piling ng mga sagot.
Malayo sa tanong.