
rr cagalingan
Batch Kilapsaw/2010
Mula sa Lungsod Valenzuela–Pasig
Si rr cagalingan ay isang manggagawang pangkultura mulang Lungsod Valenzuela. Inilabas niya ngayong 2024 ang kaniyang unang aklat ng tula, Ang Wala Rito.
.
.
Mga Itinakwil
PAIT
Sa bayan ng mga mang-uukit,
matagal nilang hinintay ang bundok
bago ito nagpasiyang magkaloob
sa kanila ng karapatang humaraya.
Manggaya muna sa simula ng iba’t
ibang anyo. Natuto silang magmasid
sa hubog ng mga malayang gumagalaw,
sa mga bagay na ikukulong sa bagay.
At sinanay nila ang sarili rito, nakilala
sa kanilang pagpapasunod sa kahoy.
Kung magtatanong man ang banyaga,
mamamali siya palagi sa kasaysayan
kung ang tainga ay sadyang natatanga
sa tunog. Narinig ba nila ang ak-ak
ng mga nabibiyak na balikat ng punò,
O kahit ang lagatak ng mga batikulíng
na nangalalaglag sa ngalan ng gampanin?
Pagkat hinahanap palagi ang wala roon
sa mga puwang at siwang ng katawang
kanilang matagal nang napalaya sa isip.
Wala mang ngalan ang unang gumawa,
mabubuo na lámang siya sa paniwalang
sinabi niyang lilikha ako mula sa bibig,
doon nilililok ang simula. Uuka sa pait.
PAGBABAYAN-BAYAN
Nadaan ako sa bayang abuhin,
sa madalang dalawin ng liwanag.
Doon, laging nawawala ang manyika
ng mga bata at mga gaod ng bangka
kayâ maraming nakatitig sa dagat
at nagdadasal sa harap ng dahas.
Kanilang tinatawag ang nagtampong
bathala na nagpapatawid sa kanila.
Siyang inaalayan ng mga lambat
na sinabitan ng bulaklak at bunga
mulang dibdib ng mga mangingibig.
Nagtagal ako roon at kinailangang
ipunin unti-unti ang lakas na lumisan
at natutuhang hindi naman masama
ang kaunting dilim, kahit kawalang-
pag-asa ay mababáon sa pagtawid.
ANO NGA BA ANG MERON TÁYO
Kung hindi ang papalapit
na araw-araw, magdidilim
ang marapat tanggaping
pagkawala. Naririto táyo
at panatag ang pakiramdam
at hindi bagahe ang tanong:
pag ibinawas ang hanggahan
sa hanggahan, lilikha lámang
ng mas maraming balintuna.
At kahit ito’y di inuunawa,
ang bawat ipinanganganak
na sanggol na nása milyon-
milyong mahihimbing lámang
sa oyayi ay tugon sa salimuot
ng mga kawalang-katapusan.
Táyong anak ng dalisay na Ina
ng Tahimik, kahit nasasabik,
sabihing darating din diyan.
Sabihing hindi nagmamadali.
Isang manggagawang pangkultura at kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) si rr cagalingan. Isa siya sa mga editor ng Diwatáhan, onlayn na espasyo para sa mga likhang Filipino. Noong 2022, nagwagi ang kaniyang “Salaysay ng mga Itinakwil” ng unang gantimpala sa Premyong LIRA.
