
Sam Lumban
Batch Dinig/2021
Mula sa Tanauan City, Batangas
Si Sam Lumban ay tubòng Batangas, bayan ng Tanauan. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurial Management sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, Sto. Tomas Branch at kasalukuyang isang Senior Finance and Accounting Analyst sa isang major energy company. Siya ay miyembro ng Dripped Art Movement at Linangan sa Imahen Retorika at Anyo (LIRA). Bukod sa pagmamakata, pilit din niyang sinusubukang maging isang Spoken Word Artist, Freediver, Mahikero, Mananahi, PC builder, Wall Climber, Home Cook, at Coffee Making. Emphasis sa subok.
A^#&@nta(&!$la*
Magnum opus na posibleng maisulat,
Iyong madla’y magugulat, mamumulat,
Natatangi at may wastong tugma’t sukat,
Di natapos; natalo na nitong púyat.
Araw-araw*
i
Magmumuni-muni muna: linggo'y patapos na palá.
Mga araw na nagdaa'y nagwakas nang sobrang aga.
Hindi ko man lang nasulit. Hindi kaagad natantong
Mga susunod na araw ay ganap nang naka-ayos,
Patuloy-tuloy ang siklo, babangon, magtatrabaho't
Pilit na magpapahinga kahit lango pa sa kape.
ii
Sisimulan ko ang Lunes sa pagtitimpla ng kape.
Mananalangin sa langit na mamaya'y may mapalâ.
Sana naman ngayong araw, hindi tambak ang trabaho
Para matapos ang lahat ng gawain nang maaga.
Baka sakaling tulog ko sa wakas ay maiayos.
Subalit mukhang malabo, unti-unti kong natanto.
iii
Martes pa lang pala, bakit hindi ko agad natanto?
Lango na rin sa bagabag at hindi na lang sa kape.
Litong-lito kung paanong ang lahat ay maaayos.
Napaisip tuloy ako kung ano bang napapalâ
Sa pagsisikap bumangon kada araw nang maaga?
Tama bang buong buhay ko'y umiikot sa trabaho?
iv
Hindi mahanap ang buhay sa aking pagtatrabaho.
Ang sigla ko ukol dito'y ubos na, aking natanto
Inagaw nito ang saya sa paggising nang maaga,
At lugod sa mga simpleng bagay katulad ng kape.
Kalahati na ng linggo'y wala pa ring napapalâ,
Ang konsepto ko ng oras ay mukhang hindi na ayos.
v
Hanggang kailan iisipin kung paano maaayos
Ang buhay ko? Kaylangan bang umalis na sa trabaho?
Ngunit pa'no mabubuhay? Anong aking mapapalâ?
Hindi puwedeng tumigil ang siklo, aking natanto.
Nararapat magpatuloy ang pag-abuso sa kape,
Ang paghiga't di pagtulog, ang pagbangon nang maaga.
vi
Balak ko ngayong biyernes na matapos nang maaga
Kaya kaylangang magawa ang tungkulin nang maayos.
Masiglang magsisimula't hindi muna magkakape
Ngunit tadhana'y malupit, patong-patong ang trabaho.
Hindi na dapat magulat, dati pa dapat natantong
Sa pag-aasam ng bago'y wala namang mapapalâ.
vii
Nagising akong maaga't naghanda nang magtrabaho.
Pagkatapos kong mag-ayos ay may biglang napagtanto,
Hindi na dapat nagkape, ngayo'y sabado nga pala.
April 2020**
Humuni’t kinilig ang telepono mong nakapatong
sa lamesa. Dumating na raw ang kanina mo pa
hinihintay. Maya-maya pa ay mayroon na ngang
kumatok. Kumuha ka ng singkwenta sa wallet
kahit bayad na via credit card ang binili mo.
Ngiti at pasasalamat ang tugon ni manong sa tip
mo. “Ingat po kayo.” ang pabaon mo sa kanya
bago siya umalis. Ang tagal na nang huling beses
na seryoso mo iyong nasabi. May mga salitang
madulas ang pag-alpas sa dila at hindi na
kailangan pang isangguni sa damdamin, isa iyon
sa mga ito.
Kasalo mo ang palabas sa TV sa iyong pagkain.
Nakakawalang gana ang katahimikan kaya pinilit
mong punuin ng ingay ang malumbay mong
kuwarto. Walang rumerehistro sa nakikita’t
naririnig mo. Parang tunog ng radyo kapag hindi
nakasakto sa channel.
Nasa kanya ang diwa mo. Isang rehiyon man at
maraming checkpoint na guwardado ng mga
nakaunipore’t may sakbit-sakbit na baril ang
pagitan ninyo sa isa’t isa. Siya ang pinakananais
mong kumatok. Ngunit bihag ng hindi makitang
kalaban ang inyong kalayaan.
Tanging ang mga itinitipa’t ibinubulong na salita
na lamang mula sa inyong mga telepono ang
pumapawi sa milyang agwat ninyo sa isa’t isa.
Hindi na kaagad naka-aalpas ang mga ito, parati
nang sumasangguni muna sa utak at puso.
*Unang nailathala ang ‘A^#&@nta(&!$la’ at ‘Araw-araw’ sa librong ‘Dinig’ ng 2021 LIRA Fellows **Unang nailathala ang ‘April 2020’ sa Unang Issue ng ‘Sinuman Magazine’ ng UP Writers Club.
